Menu Close

Ang Ating Buhay-Ekklesia sa Kinahaharap na COVID-19 (6) – Pansansinukob na Paglilingkod na Magpahayag ng Ebanghelyo at Magpastol ng mga Banal

Ang taong 2020 ay ituturing ng marami na isang kalunos-lunos na taon sa ating kasaysayan yamang maraming masasakit na pangyayari ang naganap, na ang pansansinukob na pandemyang coronavirus ang tampok na pangyayaring nakaapekto sa buhay ng milyon-milyong tao na nagpabagsak sa pandaigdigang ekonomiya tungo sa resesyon. Gayunpaman, tulad ng palagi Niyang ginagawa, ginagamit ng Panginoon ang panlabas na kapaligiran para sa higit pang pagsulong sa Kanyang pagkilos. Habang nagpapatupad ang mga pamahalaan ng mga restriktadong pagkilos sa bawat lugar, ang mga maramihang pagtitipon ay ipinagbawal o pinigilan, na nagtulak sa mga ekklesia na magpulong sa pamamagitan ng iba’t ibang online platforms. Dahil sa ibinigay sa atin na kaginhawahan ng mga online meeting, ang isang mananampalataya na nagpupulong dati sa isang maliit na grupo sa kanyang lugar ay maaari nang makipagsalamuha sa isa pang maliit na grupo sa isang malayong lokalidad. Ang mga pang-internasyunal na kumperensiya ay online na, ginagawang posible para sa mga banal na makadalo sa mga pagtitipong ito. Nagdulot ito na maabot ng mayayamang katotohanang taglay natin sa pagbabawi ang minamahal nating mga kapatid para sa pagpapakain at pagpapasakdal.

Nagpapasalamat tayo sa Panginoon na, gaya ng nasa Genesis 41:56, marami sa ngayon ang nagtatamasa sa pagkain sa “kamalig ni Jose.” Subalit ang maging mga tagatanggap lamang tayo ay kapos sa gol at naisin ng Diyos. Mula sa Mateo 25, makikita natin na ang mga mananampalataya ay may dalawang katayuan sa harap ng Panginoon. Sa isang panig, tayo ay mga birhen na nagpupuno ng langis sa ating mga sisidlan para sa paglago sa buhay; sa kabilang panig, tayo ay mga alipin na naglilingkod sa Diyos. Ang makuntento lamang sa ating personal na paglago at pagtatamasa ay hindi sapat, sapagkat ang kayamanan na ating tinatanggap mula sa Diyos ay dapat ipamahagi. Sinasabi ng Mateo 24:45, “Kaya’t sino nga ang aliping tapat at may maingat na katalinuhan na itinalaga ng panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang oras?” Ito rin ang damdaming ibinahagi ni Apostol Pablo sa Efeso: na ang biyaya ay ibinigay sa kanya ng Diyos upang ipahayag ang di-malirip na kayamanan ni Kristo bilang ebanghelyo (Efe. 3:8). Bilang mga mananampalataya, hindi lamang tayo dapat maging mapagbantay sa buhay, bagkus dapat tayong maging tapat din sa paglilingkod, namamahagi ng pagkain sa tamang oras.

Ang Buong Katawan na Naglilingkod Bilang ang Pinakadakilang Pagbabawi Ngayon

Sa mga taon, ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga tapat na lingkod ay nagsakatuparan ng napakaraming gawain ng pagbabawi upang dalhin ang Kanyang ekklesia kung nasaan siya ngayon. Ngunit isang aspekto na nais pa ring bawiin ng Diyos ay ang bagay ng paglilingkod ng lahat. Sinabi ni Kapatid Watchman Nee:

“Dapat nating makita na kung ang mga may isang talento ay hindi babangon upang maglingkod, walang paraan para makapagpatuloy ang ekklesia. Ang kasaserdotehan ay isang pansansinukob na kasaserdotehan. Ito ang pinakadakilang pagbabawi ng siglong ito. Inaakala ng maraming tao na ang bagay ng paglilingkod ay gawain ng iilang tao, subalit ang tunay na paglilingkod ay yaong kabilang ang buong Katawan. Hangga’t ang bagay na ito ay hindi lubusang nababawi, kailangan nating magpatuloy na magsalita.”

Messages Given During the Resumption of Brother Watchman Nee’s Ministery, chapter 47

Ang Pagkawala at ang Pagbabawi ng Kasaserdotehan

Ang bagay ng naglilingkod ang lahat ay nasa puso na ng Panginoon maging noong pasimula pa lamang. Nang tinawag ni Jehovah ang mga anak ni Israel palabas ng Ehipto, ang Kanyang intensiyon ay yaong sila ay maging isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa sa Kanya (Exo. 19:6). Ang nakaranas na ng Paskua at nakatawid na ng Dagat na Pula patungo sa ilang ay dapat na maging isang saserdote na naglilingkod sa Diyos. Ito ang mismong dahilan kung bakit gusto ng Diyos na mapalaya ang Kanyang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto: “Payagan mong umalis ang Aking bayan upang sila’y makasamba sa Akin” (Exo. 8:1; 9:1). Tayong lahat ay iniligtas upang maglingkod sa Diyos. Maaaring tayo ang pinakaabalang tao sa lupa dahil sa mga bagay ng buhay, ngunit kung hindi tayo naglilingkod sa Diyos gaya ng dapat, sa Kanyang mga mata tayo ay nakatayong walang ginagawa.

Pagkatapos ng exodo ng mga Israelita palabas ng Ehipto, isang kalunos-lunos na pangyayari ang naganap nang sila ay nasa ilang. Habang si Moises ay kasama ng Diyos sa tuktok ng bundok, ang mga anak ni Israel ay natisod at sumamba sa gintong guya sa paanan ng bundok. Nang bumaba si Moises at makita ito, inutos niyang patayin ang mga sumamba sa diyos-diyosan. Tanging ang mga Levita ang sumunod kay Moises at pumatay ng mahigit tatlonlibo (Exo. 32:27-28). Dahil sa kanilang pagsunod, itinalaga ng Diyos ang lipi ni Levi na maglingkod sa Kanya bilang mga saserdote (Deut. 10:8). Sa simula, lahat ay tinawag palabas ng Ehipto upang maglingkod sa Diyos, subalit mula sa oras na iyon tanging ang lipi ni Levi ang makatutupad ng tungkuling ito, at maliban sa kanila, wala sa labing-isang lipi ang magiging mga saserdote. Kahit na ang isang tao ay mayaman, hindi siya maaaring maging saserdote nang tuwiran; kinakailangan niyang imbitahan ang mga Levita na gawin ang pansaserdoteng paglilingkod para sa kanya. Sa Lumang Tipan, ginawa ni Haring Uzias ang kanyang sarili na saserdote at siya ay nagkaketong (2 Cron. 26:16-20). Sinumang mangahas na magtangkang maglingkod sa Diyos ay magkakaketong. Sa pamamagitan nito natutuhan natin na ang paglilingkod sa Diyos ay kapwa isang pribilehiyo at isang karapatan.

Subalit ngayon sa Bagong Tipan, ang naiwala ng mga Israelita dahil sa pagkatisod ay napanumbalik sa ekklesia. Sinabi ni Pedro na tayo ay itinatayo bilang isang espiritwal na bahay tungo sa isang maharlikang kasaserdotehan (1 Ped. 2:5). Binanggit ni Apostol Juan sa Apocalipsis na tayong lahat ay mga saserdote sa ating Diyos (Apoc. 1:6). Mula rito, makikita natin na nais ng Diyos na mabawi ang Kanyang bayan pabalik sa Kanyang orihinal na intensiyon—na ang lahat ay maglingkod sa Kanya bilang mga saserdote.

Ang Daan Ngayon na Maglingkod ang Buong Katawan

Bagama’t ito ang puso ng Diyos para sa Kanyang ekklesia, dapat nating aminin na kulang pa rin tayo sa pagsasagawa. Oo, marami tayong mensahe tungkol sa bagay ng paglilingkod ng bawat isa, ngunit ang magsalita lamang tungkol sa paglilingkod ay hindi paglilingkod. Higit pa rito, maaaring mayroon tayong ilang kapatid na naglilingkod, ngunit hindi iyon ang paglilingkod ng buong ekklesia. Bagama’t binigyan ng Diyos ang lahat ng pribilehiyong maglingkod, sa di-inaasahang kinalabasan, ang ating kasalukuyang sitwasyon ay maaaring katulad ng yaong sa mga Israelita sa Lumang Tipan na may iisang lipi lamang ang naglilingkod, ang mga Levita, at ang iba ay umaasa sa kanilang paglilingkod. O, nawa’y humingi tayo ng awa mula sa Panginoon na buksan ang ating mga mata at mabigkas natin ang wastong tugon sa Kanyang naisin! Tayo ngayon ay nasa kapanahunan kung saan ang bawat kapatid ay maaari at dapat gumawa ng pansaserdoteng paglilingkod. Hindi ito tungkol sa pamamaraan o kung gaano tayo naglilingkod. Ang katanungan ay kung ang lahat ba ay naglilingkod o hindi. Kinakailangang ang lahat ay gumagawa, ang lahat ay nagpapahayag ng ebanghelyo, ang lahat ay nagpapastol.

Ang Pagsasagawa ng Pagpapahayag ng Ebanghelyo

Ano ang ibig sabihin na maging mga saserdote sa Diyos ang ekklesia? Paano tayo makapaglilingkod bilang mga saserdote? Sinasabi sa Roma 15:16, “Upang ako ay maging isang tagapaghain ni Kristo Hesus sa mga Hentil, isang nagpapagal na saserdote ng ebanghelyo ng Diyos, upang ang handog na mga Hentil ay maging katanggap-tanggap, yamang pinabanal sa Espiritu Santo.” Ang pagiging isang saserdote ay may kaugnayan sa ebanghelyo. Sa katunayan, ito ay isang trabaho. Lahat ay dapat maging isang saserdoteng naghahandog ng mga makasalanan sa Diyos! Hindi ito dapat maging paglilingkod ng iilan, bagkus ng lahat.

Simula nang ipatupad ang lockdown, na nagtulak sa marami na makipag-ugnayan online, maraming ekklesia ang nagsagawa ng lingguhang mga online na pagpupulong para sa ebanghelyo. Para dito, hindi natin kailangan ng malalaking patalastas upang mag-imbita ng mga tao; lahat ng kapatid ay kailangan lamang mag-imbita ng mga tao nang isa-isa. May pagkakaiba sa dalawa; sa pamamagitan ng mga banal na isa-isang nag-iimbita ng kanilang mga kaibigan, ang buong ekklesia ay makababangon upang maglingkod. Higit pa rito, ilang banal at mga ekklesia ang gumawa ng maiikling gospel videos at digital tracts. Kung ang bawat kapatid ay magbabasa, manonood, at magbabahagi ng mga ito sa kanilang mga kaibigan nang tuloy-tuloy, ang Panginoon ay magkakaroon ng pagkakataong magsalita sa maraming indibidwal na nangangailangan ng mabuting balita. Maaari din nating imbitahan ang ating mga gospel contact sa ating maliliit na grupo kung saan maaari nating ibahagi ang ebanghelyo sa kanila at dalhin sila sa isang malinaw na kaligtasan. Sa panahong ito ng kaguluhan, marami ang nababagabag at ang kanilang isipan ay naguguluhan ng mga katanungan sa buhay. Habang mayaman tayong pinakakain ng Panginoon, kailangan nating tulungan ang iba; ito ang tamang  oras na magbigay sa kanila ng espiritwal na pagkain.

Paglilingkod sa Pamamagitan ng Pagpapastol

Isa pang paraan na maglingkod sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagpapastol sa kawan ng Diyos. Ang isang tao na umiibig sa Panginoon ay dapat magpastol sa Kanyang mga tupa. Ito ang prinsipyong makikita sa Juan 21 nang atasan ng Panginoong Hesus si Pedro, bilang isa na umiibig sa kanya, na pakainin at pastulin ang Kanyang mga tupa.

Maraming banal ang nanlamig at hindi na naging aktibo sa buhay-ekklesia. Ang iba ay bumalik sa sanlibutan. Ang iba ay nalugmok ng napakaraming kabalisahan o mga bagay ng buhay. Ang mga minamahal na kapatid ay walang wastong buhay-ekklesia. Ang gayong mga nanlamig at mga bagong mananampalataya ay lubhang nangangailangan ng ating pagpapastol.

Madalas tayong tumitingala kay Apostol Pablo kung kanino personal na nagpakita ang Diyos at lubos na nagturo ng katotohanan hindi lamang tungkol kay Kristo, bagkus tungkol sa ekklesia rin, ang Kanyang Katawan. Subalit ang isang dakilang tagapaghain katulad ni Pablo ay nangailangan ng isang Ananias upang dalhin siya sa ekklesia, sa mga kapatid na naroon noong panahong iyon. Maaaring tingnan ng marami sa atin ang ating sarili na malayong-malayo kay Pablo pagdating sa kaloob at kapasidad niya, subalit tayong lahat ay maaaring maging isang Ananias sa isang tao. Bawat nanlalamig na miyembro ng pamilya at bagong mananampalataya ay nangangailangan ng isang Ananias upang dalhin sila sa buhay-ekklesia.

Ang Espiritu at Puso ng Isang Pastol

Ano ang ibig sabihin ng magpastol? Ito ay ang nagpapaloob ng lahat na pangangalaga sa kawan; yaon ay, ang asikasuhin ang mga pangangailangan ng mga tupa, maging ito man ay pagkain, tubig, o tirahan. Katulad ng isang ina na nagbibigay ng lahat ng pangangailangan ng kanyang anak, kailangan din nating maging nagpapakaing ina sa mahihina o nawawalang mga banal sa Panginoon. Ang isang sanggol ay hindi lumalago sa pamamagitan ng pagtuturo kundi sa pamamagitan ng wastong pagpapakain. Tinitingnan ang ating sitwasyon, binigyan tayo ng Panginoon ng kamangha-manghang mga katotohanan na kapwa mataas at malalim. Gayunpaman, ang mga ito ay hindi lamang para malaman natin, kundi higit pa ay iaplay natin. Hindi tayo dapat maging kampante at pasibo sa mga katotohanang taglay natin, bagkus ay mapakilos upang alagaan ang mga nakababata at mahihinang mananampalataya.

Upang tayo ay makapagpastol, kailangan muna nating magkaroon ng mapagmahal at mapagpatawad na puso ng ating Amang Diyos at ang nagpapastol at naghahanap na espiritu ng ating Tagapagligtas na si Kristo. Maaaring naiwala natin ang espiritung ito. Madalas, inuuri natin ang mga tao batay sa kung sino ang inaakala natin na mahuhusay at yaong hindi. Dun sa huli, maaaring wala tayong mapagmahal na espiritu kumpara sa nauuna. Ang pagkakaroon ng mapanghusgang espiritu ang  nagdidiskuwalipika at humahadlang sa atin na maging mga wastong pastol. Hindi nakapagtataka na maraming banal ang nanatiling walang bunga sa loob ng maraming taon. May isang kuwento tungkol sa isang kapatid na lalaki na bumisita sa isang mag-asawa na hindi lalabis sa sampung beses. Sapagkat ang sitwasyon ay tila nakakadismaya, inisip niya na walang silbing patuloy pa silang bisitahin at bitiwan na sila. Ano ito? Ito ay isang kaso ng isang kapatid na walang espiritu ng nagpapastol at naghahanap na espiritu ng ating Tagapagligtas na si Kristo.

Subalit ano ang matututuhan natin mula sa Panginoong Hesus sa Juan 8? Sinabi ng Panginoon sa mga tao nang dinala sa Kanya ng mga eskriba at mga Fariseo ang isang nangangalunyang babae, “Sinuman sa inyo ang walang kasalanan, hayaan siyang unang bumato sa kanya” (Juan 8:7). Isa-isa, simula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, ay nagsialis, sapagkat sila ay may kasalanan. Pagkatapos, tinanong ng Panginoon ang makasalanang babae, “Babae, nasaan sila? Wala bang sinumang nagkondena sa iyo?” Sinabi niya, “Walang sinuman, Panginoon.” At sinabi ni Hesus, “Hindi rin kita kinokondena” (bb. 10-11). Kadalasan ay mahirap para sa atin na panumbalikin ang mga nanlamig na banal dahil wala tayong mapagmahal at mapagpatawad na puso na kinakailangan upang ibalik sila. Ang saloobing ito ay mali. Hindi ito pag-ibig.

Ang ekklesia ay hindi isang estasyon ng pulis upang arestuhin ang mga tao ni isang hukuman upang humatol. Sa halip, ang ekklesia ay dapat na maging isang tahanan upang palakihin ang mga mananampalataya, isang ospital upang gamutin at pagalingin ang mga maysakit, at isang paaralan upang turuan at pagtibayin ang mga hindi marunong. Gayunpaman, dapat nating aminin na minsan para tayong estasyon ng pulis, na inaaresto ang mga makasalanan. Kabaligtaran ito ng saloobin ni Pablo nang sinabi niya, “Sino ang mahina, at ako ba ay hindi mahina? (2 Cor. 11:29a). Sinabi rin niya, “Sa mahihina ay naging  mahina ako, upang matamo ko ang mahihina” (1 Cor. 9:22). Ito ay pag-ibig.

Ang isang kapatid na lalaki ay maaaring mahusay magsalita ng matataas na katotohanan, gayunpama’y nananatiling walang bunga. Ang dahilan ay maaaring ang kawalan ng pag-ibig at pagpapastol. Sa 1 Corinto 12, inihayag ni Pablo na ang pag-ibig ang pinakaekselenteng paraan (b. 31b). Paano tayo magpastol ng mga tao? Binigyang-kahulugan niya ang pag-ibig sa sumunod na kapitulo. Hindi ito mapanibughuin, hindi napagagalit, hindi nagtatala ng kasamaan; tinatakpan nito ang lahat ng bagay, tinitiis nito ang lahat ng bagay, at hindi napapawi kailanman. Mga kapatid, kailangan nating takpan ang mga kasalanan ng iba, hindi ipinamamalita ang mga ito. Hindi tayo nagtatala ng kasamaan ng iba. Kung wala ang awa ng Panginoon, wala tayong pinagkaiba sa mga makasalanan. Samakatwid, dapat natin silang ibigin. “Tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsuway” (Kaw. 10:12).

Mga Praktikal na Paraan upang Isagawa ang Gawain ng Pagpapastol

Sa praktikal na pananalita, maaaring magsimula tayong magpastol sa pamamagitan ng pagbisita sa mga banal na madalang nating makita sa mga pagpupulong. Ang susing pagsasagawa sa pagbawi sa kanila ay ang dalhin ang mga pangalang ito sa mga kapatid sa ating maliliit na grupo upang matanggap din nila ang kabigatan para sa kanila. Sinabi ni Kapatid Watchman Nee na ang bawat mananampalataya ay dapat maging laan na kumaugnay ng mga walo hanggang siyam na banal. Kung magkakaroon tayo ng kabigatan para sa kanila, ang walo hanggang siyam na pangalan ay mainam na bilang.

Kailangan din nating maging handa na mamahagi ng pagkain sa tamang oras. Ang mga nanlalamig na banal at mga bagong mananampalataya ay nakararanas ng espiritwal na pagkagutom. Kailangan nating tamasahin at tunawin ang mga kayamanang taglay natin sa bahay ng Ama upang mayroon tayong maibahagi sa kanila.

Kung kakaugnayin na natin ang isang banal, dapat tayong desperadong manalangin. Nagbibigay ito ng daan sa Panginoon na bawiin ang maraming banal sa mga paraang hindi natin inaasahan.

Panghuli, habang tayo ay nakikipag-usap sa mga banal, dapat tayong patuloy na nakahugpong sa Espiritu, umaasa sa Kanyang gawaing pagliliwanag sa puso ng mga banal na ating pinapastol, tumitingin sa gawaing pagpapastol ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pagpapastol.

Pagpapahayag at Pagpapastol sa Ating Maliliit na Grupo

Ang bawat isa sa atin ay kailangang magpahayag ng ebanghelyo at magpastol ng mga banal; subalit ang porsiyento ng tagumpay na ang mga kaibigan at mga bagong mananampalataya ay madala sa ekklesia at maging mga nananatiling bunga ay lubhang nakadepende sa kung paano sila nagbubuhay-ekklesia sa isang balanseng paraan, sa pamamagitan ng kapwa pagdalo sa malalaking pagpupulong at maliliit na pagpupulong. Sinasabi rin sa Mga Gawa 5:42, “At araw-araw, sa templo at sa bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pagpapahayag ng ebanghelyo tungkol kay Hesus bilang ang Kristo.”

Walumpung porsiyento ng ating buhay-ekklesia ay nasa maliliit na grupo. Ang maliliit na grupo ay ang linya ng buhay ng itinalagang daan ng Diyos. Bagama’t ang mga pagtitipon ay narerestriksyunan pa rin ngayon, ang mga prinsipyo ng mga pantahanang pagpupulong ay maaaring iaplay. Ang maliit na grupo ay hindi lamang isa pang pagpupulong para ating daluhan; hindi lamang ito ang gawing maliit na pagpupulong ang malaking pagpupulong. Sa halip, isa itong lugar upang ipadaloy natin ang dibinong pag-ibig sa pamamagitan ng pangangalaga at pamamagitan sa isa’t isa, isinisinag ang dibinong liwanag para sa pagsasangkap at pagpapasakdal sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtatanong at pagsagot nang may pagtutugunan, at pagsasagawa ng dibinong kalooban sa pamamagitan ng organikong pagtatalaga kung saan ang bawat sangkap ay kumikilos at naglilingkod sa Katawan. Kailangan nating dalhin ang mga baguhan at mga nanlalamig na banal sa ating buhay-ekklesiang nakabatay sa mga grupo, upang ang bawat isa ay makandili, mapakain, at mapasakdal.

Mga kapatid, ngayon ang pinakamainam na oras, ang ginintuang pagkakataon na tayo ay magpahayag ng ebanghelyo at dalhin sa buhay-ekklesia ang mga baguhan at mga nanlalamig na banal. Sinanhi ng Panginoon na yugyugin ng kapaligiran ang mga nakapirmi at okupadong mga puso ng napakaraming tao sa paligid natin. Wala tayong dahilan na hindi natin sila abutin. Ang pagbisita sa mga tao ay maaaring hindi kumbinyente subalit mas pinadali na ito ngayon sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, online messaging platforms at video calls.

Minsang sinabi ni Kapatid Witness Lee na kahit 20 porsiyento lamang ng ekklesia ay lumabas sa loob ng dalawang oras  kada linggo upang kumaugnay ng mga tao sa isang tiyak na paraan, ang ekklesia ay magkakaroon ng pagpapanauli. Sinasabi sa Isaias 6:8, “At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin Ko, at sinong hahayo para sa Atin?” Nang magkagayo’y sinabi ko, “Narito ako; suguin Mo ako!” Sa maraming kaso, ang ating saloobin ay, “Isugo mo siya, Panginoon.” Yaon ay kahabag-habag na saloobin. Matapos marinig ang pagtawag ng Panginoon, hindi na natin kailangan pang lumingon-lingon; sa halip, kailangan nating kumilos ayon sa pagtawag ng Panginoon. Gusto ba natin ng bago at nagtatagal na pagpapanauli sa mga ekklesia? Kung gayon huwag nang magpatumpik-tumpik pa! Kailangan nating bumangon upang mag-alay ng ating sarili upang kumaugnay ng mga tao sa loob ng ilang oras kada linggo para sa ebanghelyo at para sa pagpapastol.

Gaya ng nakita sa Lumang Tipan, ang maglingkod sa Diyos ay isang pribilehiyo, at bilang mga Bagong Tipang mananampalataya, binawi tayong lahat ng Panginoon upang makibahagi sa pansansinukob na pagkasaserdote. Anong biyayang natanggap natin sa Panginoon! Tulad ni Apostol Pablo, nawa’y hindi mawalan ng kabuluhan ang biyayang ibinigay ng Diyos sa atin (1 Cor. 15:10). Tulad niya, nawa’y higit pa tayong magpagal sa pagpapahayag ng ebanghelyo at sa pagpapastol sa mga banal. Inihanda na ng Panginoon ang daan sa pamamagitan ng sitwasyon, na ang puso ng mga tao ay mas malambot tungo sa ebanghelyo at tungo sa Panginoon sa panahon ng pandemya. Nawa’y bumangon tayo upang makipagtulungan sa Kanya sa pagsasagawa ng dibinong ekonomiya sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat, praktikal at masigasig sa mga ekklesia kung saan tayo naglilingkod.

Mula sa mga Kamanggagawa sa Rehiyon 1-6 ng Pilipinas

I-download

Maaari mong i-download ang kopya ng artikulong ito na maaaring i-print.