Menu Close

Ang Ating Buhay-ekklesia sa Kinahaharap na Covid-19 (5): Ang Pagsasagawa ng Buhay-ekklesia sa Panahon ng Community Quarantine

Sa nakalipas na dalawa at kalahating buwan ng community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sumulat kami ng apat na mensahe sa mga kapatid. Ngayon ay may kabigatan kaming magbahagi ng isang salita tungkol sa pagsasagawa ng itinalagang-daan ng Diyos sa buhay-ekklesia sa mga panahong ito, sa apat na pangunahing aspekto: (1) ang pangitain ng pagsasagawa ng mga grupo—pagpasok sa isang bagong pagpapanauli; (2) ang kahalagahan at pagbubuo ng mga grupo; (3) ang hinihiling na Diyos-taong pamumuhay para sa pagsasagawa ng mga grupo—isang buhay ng pang-umagang pagpapanauli; at (4) ang Diyos-taong pamumuhay na dapat taglayin ng mga grupo—isang buhay ng panalangin. Bagama’t hindi natin masasabi kung kailan aalisin ang quarantine o malalaman kung kailan titigil ang pandemya, anuman ang maging kalagayan, kailangan pa rin nating aktibong isagawa ang buhay-ekklesia. Kailangan nating magpagal na magpatuloy sa pangitain, pamumuhay, at pagsasagawa ng itinalagang-daan ng Diyos upang maging pamamaraan at mga daluyan ng mga pagpapala ng Panginoon.

Itinuro sa atin ng lingkod ng Panginoon, si Kapatid Witness Lee, sa kanyang aklat na “The God-ordained Way” na may tatlong aspekto ang buhay-ekklesia: (1) ang mataas na rurok ng dibinong pahayag, (2) ang Diyos-taong pamumuhay, at (3) pagpapastol ayon sa Diyos. Ang lahat ng ito ay para sa pagpasok sa isang bagong pagpapanauli. Sa aklat na “The Vital Groups,” binanggit niya na ang mga panggrupong pagpupulong ay dapat na bumubuo sa 80% ng buhay-ekklesia. Samakatwid, ang mga maliit na grupo ang sentrong punto, ang pulso ng buhay, ang linya ng buhay ng buhay-ekklesia. Ang anim na aytem na binanggit sa Mga Gawa 2:46-47 ay kailangang lahat para sa pagdami ng ekklesia: (a) araw-araw, (b) nagpapatuloy nang matibay na may isang puso’t kaisipan sa templo, (c) nagpipira-piraso ng tinapay sa bahay-bahay, (d) kinain nila ang kanilang pagkain nang may galak at katapatan ng puso, (e) nagpupuri sa Diyos at may biyaya sa lahat ng tao, at (f) sama-samang idinagdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong mga naliligtas. Ang lahat ng puntong ito ay nagpapahiwatig na maraming pagsasagawa noong naunang buhay-ekklesia ay sa bahay-bahay. Bagama’t hindi tayo makalabas sa gitna ng pandemya, sa tulong ng modernong teknolohiya, ang mga pagsasagawang ito mula sa naunang buhay-ekklesia ay maaari pa ring pansansinukob na isagawa sa gitna natin.

Ang Pangitain ng Pagsasagawa ng mga Maliit na Grupo—Pagpasok sa isang Bagong Pagpapanauli

Sinasabi ng Habakuk 3:2, “O Jehovah, panauliin Mo ang Iyong gawa sa gitna ng mga taon.” Sa gitna ng pinili ng Diyos ay may paghahangad ng pagpapanauli. Hangga’t tayo ay ligtas, sinasadya man natin o hindi, palaging may hangarin o panalangin sa loob natin araw-araw: “O Panginoon, panauliin Mo kami.” Ngayon, maaabot natin ang mataas na rurok ng dibinong pahayag at makapapasok tungo sa isang bagong pagpapapnauli sa pamamagitan ng ministeryo ng kapanahunan. Kung nais nating maglingkod sa Diyos, ang ating pangitain ay dapat na mula sa unang pangitain ni Adam sa Genesis hanggang sa pagpapasukdol ng ekklesia, ang Bagong Herusalem. Ito ang kumpletong pangitain.

Sa pagbabawi ng Panginoon, mayroon lamang tayong isang pangitain, isang pagkakita. Sinasalita natin ang parehong bagay at pinaglilingkuran ang Panginoon sa isang puso’t kaisipan. Ang Diyos sa loob ni Kristo ay naging isang tao upang ang tao ay maging Diyos sa buhay at kalikasan ngunit hindi sa Pagka-Diyos nang sa gayon tayo ay sama-samang maihalo upang maging isang organikong entidad. Upang matamo ang layuning ito, kailangan nating dumaan sa proseso ng pagsisilang na muli, pagpapabanal, pagpapabago, pagtatransporma, pagwawangis, at pagluluwalhati. Sinasabi sa 1 Juan 3:2, “Kung Siya ay mahayag, tayo ay magiging katulad Niya, sapagkat Siya ay ating makikitang gaya ng Kanyang sarili.” Maaaring nakita na natin ang mataas na rurok ng dibinong pahayag subalit kailangan pa rin nating isagawa ang ating nakita. Ang pagsasagawang ito ay magpapasok ng isang bagong pagpapanauli, ang dakilang pagpapanauli, at marahil ang huling pagpapanauli bago ang pagbabalik ang Panginoon.

Para sa layuning ito, kailangan nating ipamuhay ang buhay ng isang Diyos-tao, yaon ay, isang buhay na palaging dumaraan sa kamatayan at pagkabuhay na muli. Ang bago, makalangit, at dibinong pamumuhay na ito, kung saan ang pagkadibino at pagkatao ay magkahalo, ay mamumuno sa bawat aspekto ng ating buhay at magliligtas sa atin mula sa mga opinyon, pagkakabaha-bahagi, panghahamak, pamimintas, at pagbubulong-bulong. Kung ipamumuhay natin ang gayong buhay, tiyak na lalabas tayo upang kaugnayin ang mga tao at magpapahayag ng ebanghelyo. Ang buháy na grupo ay binubuo ng gayong mga tao. Kung ipinamumuhay natin ang gayong buhay, may kakayahan tayong dalhin ang iba sa kaligtasan, pagtibayin ang mga tao, magtatag ng mga ekklesia-lokal, at magtayo pa ng Katawan ni Kristo. Ideklara nating lahat, “Panginoon, nais kong mamuhay ng isang Diyos-taong pamumuhay at maging isang mandaraig. Nais kong maging ang Zion ng Herusalem. Nais kong magkaroon ng bahagi sa bagong pagpapanauling ito.”

Bilang karagdagan, kailangan nating magpastol ayon sa Diyos, na may mapagmahal at mapagpatawad na puso ng Ama, at taglay ang nagpapastol at naghahanap na Espiritu ng Tagapagligtas. Sa ganitong paraan, makapapasok tayo sa isang bagong pagpapanauli. Kailangan nating matutong magpastol ayon sa tularan ng Panginoon nang Siya ay magministeryo sa lupa. Sa Mateo 9 at Lucas 15 makikita natin na ang Panginoon ay dumating sa mundo upang alagaan ang lahat. Ang lahat ay nagalak, naaliw, at nakapagpahinga dahil sa Kanya. Nakita rin natin sa 1 Corinto 15 at Filipos 1 na sa pagkabuhay na muli, Siya ay naging ang Espiritung nagbibigay-buhay, yaon ay, ang masaganang panustos ng Espiritu ni Hesu-Kristo upang pakainin ang mga tao. Kapag tinanggap nating lahat ang kabigatang ito na magpastol, magkakaroon ng tunay na pagpapanauli sa gitna natin. Kung tatanggapin ng lahat ng ekklesia ang pagtuturong ito upang makilahok sa kamangha-manghang pagpapastol ni Kristo, magkakaroon ng isang malaking pagpapanauli sa pagbabawi ng Panginoon.

Ang Kahalagahan at Pagbuo ng mga Maliit na Panggrupong Pagtitipon

Sinasabi sa atin ng Mga Gawa 2:46 na sa araw ng Pentecostes, ang mga mananampalataya ay nagtipon sa bahay-bahay. Ang kahulugan ng orihinal na tekstong “sa bahay-bahay” ay tumutukoy sa mga mananampalataya na kinukuha ang mga tahanan bilang lugar ng pagpupulong. Sinsabi sa Hebreo 10:24-25, “At tayo ay mag-alagaan sa isa’t isa upang tayo ay mangaghikayat sa pag-iibigan at mabubuting gawa. Hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangaghikayatan sa isa’t isa, at lalo na kung inyong nakikitang ang araw ay nalalapit na.” Ang pagtitipon dito ay tumutukoy sa “maliit na panggrupong pagtitipon” na pinag-uusapan natin. Ang mga maliit na grupo ay bumubuo sa pangunahing bahagi ng buhay-ekklesia ng isang Kristiyano. Sinasabi rin sa atin ng Bagong Tipan na maliban sa maliit na panggrupong pagpupulong sa mga tahanan, ang buong ekklesia ay dapat ding magpulong sa isang lugar (1 Cor. 14:2-3). Gayunpaman, dapat nating makita na ang mga maliit na panggrupong pagtitipon ay mas pangunahin. Kung walang mga maliit na panggrupong pagtitipon, magiging mahirap para sa ekklesia na dumami. Ang kawalan ng pagdami sa gitna natin ay pangunahing dahil sa kawalan ng mga banal ng mga maliit na pagtitipon sa mga tahanan. Kaya, ang lingkod ng Panginoon, si Kapatid Lee, ay  nagsalamuha sa atin na ang mga maliit na panggrupong pagtitipon ay dapat bumuo sa 80% ng buhay-ekklesia.

Ang pagpapahayag ng ebanghelyo, pangangalaga, pagkakandili, pagpapakain, at pagpapasakdal ay dapat gawin lahat sa mga maliit na grupo. Ang mga maliit na panggrupong pagtitipon ang linya ng buhay ng itinalagang-daan ng Diyos. Anumang gawain sa gitna ng mga banal ay humihiling ng mga maliit na panggrupong pagtitipon. Kung wala ang mga maliit na grupo, ang mga tao ay hindi mananatili. Gayunpaman, kung taglay natin ang mga grupo, ang lahat ng ating pagpapagal sa kanila ay magiging matagumpay. Hindi tayo namumunga sa pangunahing dahilan na wala tayong maliit na mga panggrupong pagtitipon. Kung wala tayong maliit na mga grupo, magiging mahirap para sa atin na panaigan ang ating hindi pamumunga. Ang malaking pagpupulong ay katulad ng katawan ng puno, subalit ang isang puno ay hindi makapamumunga sa pamamagitan lamang ng katawan ng puno. Ang katawan ng puno ay nangangailangan ng bago at malambot na mga sanga. Ang mga sanga ang nakapamumunga. Sa buhay-ekklesia, ang mga sanga ay ang mga maliit na grupo. Ayon sa Bagong Tipan, kung nais nating mamuhay sa loob ng Katawan, kailangan natin ang mga maliit na grupo. Kung wala ang mga maliit na panggrupong pagtitipon, walang paraan para lumawak, dumami, at magparami.

Paano natin binubuo ang mga maliit na panggrupong pagtitipon? Una, sa espiritwal na prinsipyo, kailangan nating makipagkoordina sa mga kapatid na magkaroon ng marami at lubos na  panalangin. Binibigyang-kakayahan tayo nito na mapunuan ng pang-esensiyang Espiritu sa panloob at mabihisan ng pang-ekonomiyang Espiritu sa panlabas. Pangalawa, sa elemento at kinasasaklawan ni Kristo, ayon sa ating espiritwal na sitwasyon at kasalukuyang kalagayan sa loob at harap ng Panginoon, kailangan nating magkaroon ng “matalik at lubos na salamuha” sa mga nakikipagkoordinang banal. Sa pamamagitan ng marami at lubos na panalangin, at kasama ang pangunguna ng Espiritu Santo, dapat nating iwan ang ating sariling pagtatangi at mga pagpili, at igalang at alagaan ang damdamin ng ating mga kapwa sangkap, upang ibunga ang kondisyon ng isang puso’t kaisipan. Kahuli-hulihan, kailangan nating gumawa sa Panginoon ng pansama-samang panata ng Nazareo (Bil. 6:1-4), pinababago ang ating pag-aalay, upang tayo ay maging mga mandaraig sa kasalukuyang kapanahunan.

Sa pagsasagawa, kailangan nating muling ayusin ang listahan ng mga pangalan ng lahat ng banal; ang bawat isa ay dapat maging bahagi ng isang maliit na grupo upang hayaan ang bawat sangkap na magpangsyon. Ang batayang bilang ng tao sa isang maliit na grupo ay pito hanggang walong katao. Kapag ang bilang ng mga tao ay dumami at naging labinlima o labing-anim, maaari silang “maipalaganap” tungo sa dalawang maliit na grupo. Sa pagbubuo ng mga maliit na grupo, kailangan din nating isaalang-alang ang lugar, edad, katayuan, personalidad, pag-uugali, at espiritwal na kalagayan ng mga banal. Umaasa kami na sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga maliit na grupo, magagamit ng bawat banal ang talentong ibinigay sa kanila ng Panginoon upang magpangsyong isa-isa.

Ang Diyos-taong Pamumuhay na Kailangan upang Isagawa ang mga Maliit na Grupo—Isang Buhay ng Pang-umagang Pagpapanauli

Kailangan nating mamuhay ng pagiging napanauli tuwing umaga at ng pagiging napabago araw-araw (Panag. 3:22-23; 2 Cor. 4:16). Sinasabi ni Pablo sa 2 Corinto 4:16, “Kaya nga hindi kami pinanghihinaan ng loob; bagama’t ang aming panlabas na tao ay nasisira, ang aming panloob na tao naman ay napapabago sa araw-araw.” Ang salitang ginamit ni Pablo sa 2 Corinto 4:16, ang “araw-araw,” ay tumutukoy na ang Kristiyanong pamumuhay ay hindi pang-isang araw na bagay lamang. Napapabago tayo araw-araw. Nagpapahiwatig ito na dapat nating matamo ang Panginoon upang mapanauli araw kada araw. Binibigyang-diin natin ang pagpapanauli tuwing umaga; isa itong pagpapanauli sa panloob na buhay.  Tuwing umaga, ang espiritu natin ay kailangang maging tulad ng bukang-liwayway sa kalakasan (Kaw. 4:18; Huk. 5:31). Gaano man tayo kaabala, dapat tayong gumugol ng panahon na kaugnayin ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-eensayo ng ating espiritu. Dapat tayong maging mga napanauling tao. Kaya, kailangan nating magtatag ng isang matatag na pamumuhay ng pang-umagang pagpapanauli. Kailangan nating tamasahin si Kristo bilang ang pinakamainam na espiritwal na almusal, lumalapit sa trono ng biyaya ng Diyos sa harapan ng Panginoong nagtutustos sa atin ng tinapay at alak (Gen. 14:18-20). Kailangan nating mag-ipon ng Kristo bilang ating pang-araw-araw na manna, na tumutustos sa atin upang mabuhay araw-araw. Sinasanhi tayo ng pang-umagang pagpapanauli na maiugat sa Panginoon upang lumago at maitayo (Col. 2:7a; Mat. 13:21).

Upang maensayo ang ating espiritu sa pang-umagang pagpapanauli, kailangan nating gawin ang mga sumusunod:

(1) Tumawag sa pangalan ng Panginoon: Sinabi ni David sa Mga Awit 119:147, “Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako; / Ako’y umaasa sa mga salita Mo” Ang “pagtawag” dito ay ang tumawag sa Panginoon, “O, Panginoon!” Ang dumaing ay ang manalangin, ang magsabi sa Panginoon (Roma 10:12a-13; Awit 119:147-148). Mas matagal natin itong ginagawa, mas mainam.

(2) Ibasa-dalangin ang salita ng Panginoon: Pagkatapos ng pagtawag, sinabi ni David, “Ako’y umaasa sa mga salita Mo.” Sa pag-asa sa salita ng Panginoon, pinakamainam na hindi tayo magsalita, baka maputol natin ang pagsasalita ng Panginoon. Sinabi rin ni David, “Ang mga mata ko’y gising sa gabi sa mga pagbabantay, / Upang sa salita Mo ako’y makapagbulay-bulay.” Ipinakikita nito sa atin na sa karanasan ng mga banal sa Lumang Tipan, nanalangin sila, umasa sa salita ng Panginoon, at nagbulay-bulay sila sa Kanyang salita. Ngayon, para sa ating mga Bagong Tipang mananampalataya, ang pinakamadaling paraan upang matamo ang salita ng Panginoon ay hindi ang magbulay-bulay sa salita ng Panginoon kundi ang magbasa-dalangin ng Kanyang salita (Efe. 6:17-18). Kailangan nating lahat matutong tumawag sa pangalan ng Panginoon at magbasa-dalangin ng salita ng Panginoon upang maensayo ang ating espiritu nang sa gayon ay mahipo natin Siya.

May dalawang aspekto ang pang-umagang pagpapanauli:

(1) Ang indibidwal na aspekto: Ipinakikita ng pag-aatas ng Panginoon kay Moises sa Exodo 34:2-3 na kailangan nating lahat na maglaan ng panahon upang makaugnay ang Panginoon nang nag-iisa, upang pribadong makatagpo Siya. Sa pribadong pakikipagtagpo sa Panginoon, kailangang isantabi ang mga tao at ibang bagay. Kalimutan mo ang mga pag-aari, edukasyon, trabaho, at kinabukasan mo. Huwag kang magsama ng sinuman o anuman, kundi pribadong makipagtagpo sa Kanya (Life-Study of Exodus, Message 178, Section 2). Kung hindi tayo direkta at pribadong lalapit sa Panginoon upang makatagpo Siya, hindi magiging praktikal o detalyado ang relasyon natin sa Kanya (Exo. 34:3; Mat. 6:6). (Life Messages, Volume 1, Chapter 2, Section 2)

(2) Ang sama-samang aspekto: Kailangan din nating magtatag ng isang pamumuhay ng pansama-samang pang-umagang pagpapanauli upang matamasa ang Panginoon kasama ng mga banal (mga espiritwal na kasama). Ang pagsasagawa ng pang-umagang pagpapanauli ay maaaring isagawa (a) ng dalawa o tatlong magsasama-sama nang harapan, (b) sa telepono, o (c) sa pamamagitan ng internet video, yaon ay, Zoom, Messenger, at iba pa.

Sinasanhi tayong matransporma ng araw-araw na pagpapanauli. Matapos magkaroon ng pang-umagang pagpapanauli, dapat tayong mag-ensayong mapanatili ang ating sarili sa espiritu. Dapat nating gawin ang mga bagay at magsalita sa loob ng espiritu. Ito ang pamumuhay ng pagiging napanauli tuwing umaga at pananaig araw-araw. Kung mamumuhay tayo ng gayong buhay ng pagiging napanauli tuwing umaga at pananaig araw-araw, madadala natin ang mga baguhan na makapasok sa parehong gawain. Kasama ng pagpapanauling ito ay isang pang-araw-araw na pamumuhay ng pag-aalay ng sarili. Sa ganitong uri ng pamumuhay, nakikipagsalamuha tayo sa Panginoon, lumalakad kasama ng Panginoon, namumuhay sa loob ng Panginoon, nagiging kaisang espiritu ng Panginoon, at naipamumuhay pa ang Panginoon. Ito ang nakapananaig na pamumuhay. Hindi natin kailangang maghintay sa pagpapanauli; sa halip, dapat tayong maging aktibong mapanauli. Dapat tayong magpasya, mula ngayon, na maging laang mamuhay sa Panginoon at maging laang mamuhay ng isang buhay ng pagpapanauli. Sa napanauli at napabagong pamumuhay na ito, kusang-kusa tayong (1) mangangalaga sa iba, (2) magbabahagi sa iba ng Kristong natatamasa natin, at (3) hahayo upang kaugnayin ang mga tao.

Ang Diyos-taong Pamumuhay na Kailangan upang Isagawa ang mga Maliit na Grupo—Isang Buhay ng Panalangin

Dapat magtatag ang bawat banal ng isang buhay ng panalangin (Efe. 6:18). Sa lahat ng ginagawa natin, makapananalangin tayo at kailangan nating manalangin. Ang panalangin ang paraan upang makaugnay natin ang Diyos. Binibigyang-kakayahan tayo ng panalangin na maensayo ang ating espiritu na kaugnayin ang Diyos. Kung mga tao tayo ng panalangin, sa tuwing kakausap tayo ng tao, lalabas mula sa espiritu natin ang ating mga salita. Kayang patumbahin ng panalangin ang natural na katauhan natin. Walang pakialam ang ilan tungkol sa pagpapalaya ng kanilang espiritu kundi nananalangin lamang dala ng nakasanayan na. Maaaring kailangan natin ng ilang panahon ng katahimikan habang nasa pagpupulong ng panalangin upang patumbahin ang natural na buhay natin. Bawat sandali, sa bawat aspekto ng buhay natin, dapat tayong manatili sa Kanyang pagkapako sa krus at maiwangis sa Kanyang kamatayan (Fil. 3:10). Sa ganitong paraan, kusa natin Siyang maipamumuhay, kinukuha Siya bilang ang pagkabuhay na muli (Juan 11:25). Ito ang Diyos-taong pamumuhay.

Dapat tayong manalangin kasama ng mga kasama natin sa ating buháy na grupo upang mapasigla tayo. Wala nang ibang paraan upang mapasigla maliban sa pamamagitan ng panalangin. Ang manalangin ay ang maging kaisa ng Espiritu. Kung hindi tayo mananalangin,  hindi natin matataglay ang Espiritu. Tuwing umaga, dapat tayong gumugol ng panahon upang manalangin, na lumalapit sa Panginoon. Sa buhay ng panalangin na ito, ipinapanalangin natin ang ating sarili tungo sa Espiritu, na siyang ang pang-esensiyang Espiritu, ang pang-ekonomiyang Espiritu, at nagpapaloob ng lahat na Espiritu. Pagkatapos ay natututo tayong sumunod sa Espiritung ito sa pamamagitan ng pag-eensayo ng ating espiritu. Dagdag pa, upang mapasigla tayo sa pamamagitan ng panalangin, kailangan nating magbigay-pansin sa mga sumusunod na punto: (1) Kailangan nating pagningasing-muli ang ating unang pag-ibig sa Panginoon sa pamamagitan ng mga panalangin ng pagsisisi; (2) Sa mga panalangin natin ng pagsisisi, dapat nating lubusang ipahayag ang ating mga kabiguan, mga maling gawa, masasamang gawi, mga pagsasalansang at mga kamalian natin; (3) Kailangan nating magkaroon ng malapit, matalik, at lubos na pakikipagsalamuha sa mga kasama natin sa buháy na grupo. May mga kasama dapat tayo na makapagpapagal na kasama natin. Ayon sa halimbawa sa Biblia, may tatlong kasama si Daniel (Dan. 1:6); kailangan din natin ng dalawa o tatlo na maging buháy na kasama natin upang sama-samang manalangin para makasulong ang buháy na grupo; at (4) Kailangan nating muling mag-alay ng ating sarili sa Panginoon. Sa Roma 12:1, sinabi sa atin ni Pablo na ihandog natin sa Diyos ang ating mga katawan na isang haing buháy.

Dapat tayong magtatag ng isang buhay ng panalangin kasama ng mga kasama natin sa buháy na grupo (Jud. 20). Dapat tayong matutong manalangin sa mga bagong paraan upang matugunan ang mga bagong pangangailangan. Hindi natin dapat ulitin ang mga lumang panalangin, na may  anyong panalangin, ngunit hindi tunay na mga panalangin. Dapat lamang natin direktang sabihin sa Panginoon ang nais natin: “Panginoon, gusto naming mapanauli. Kami ay patay at malamig. Nais naming maging maningas.” (Fellowship Concerning the Urgent Need of the Vital Groups, p. 67). Dapat maging matatag, walang humpay at mapagbantay ang ating mga panalangin (Gawa 6:4; 2:42; Col. 4:2). Dahil pupukaw ng maraming bagay ang kaaway upang mahadlangan tayo sa pananalangin, kailangan nating maglaan araw-araw ng tatlong panahon ng panalangin. Sa umaga, maaari tayong manalangin nang di-bababa sa  labinlimang minuto. Mga bandang ikasampu ng umaga o sa tanghali o sa hapon, maaari tayong magtakda ng isa pang panahon sa panalangin. Sa gabi, bago matulog, maaari tayong magtakda muli ng isa pang panahon upang manalangin (Dan. 6:10). Huwag nating sayangin ang ating oras. Bagkus, kailangan nating punan ng panalangin ang mga patlang sa oras natin. Nangangahulugan itong dapat tayong manalangin nang walang patid (1 Tes. 5:17).

Sa katapusan, umaasa tayong gagawin ng bawat banal ang kanyang makakaya upang makadalo sa mga pagpupulong ng panalangin ng ekklesia. Noong 1960, 70%-80% ng mga banal na dumadalo ng pagpupulong sa Elden Hall ng ekklesia sa Los Angeles kapag araw ng Panginoon ang dumadalo ng pagpupulong ng panalangin. Ipanalangin natin na dagdagan ng Panginoon ang bilang ng mga banal na dumadalo sa pagpupulong ng panalangin ng ekklesia. Sa bagay ng panalangin, dapat tayong matutong tumigil manalangin na gamit ang ating sarili bilang kaparaanan, nananalangin ng mga nakasanayang panalangin o mga natural na panalangin. Isang kabiguan ang hindi manalangin, ngunit ang manalangin ayon sa ating sarili ay mali rin. Tinuturuan tayo ng Mateo 6:7 na manalangin nang maigsi subalit punô ng pahayag. Samakatwid, kapag dumadalo tayo sa mga pagpupulong ng panalangin, huwag tayong manalangin ng mahahabang panalangin. Ang pinakamainam na mga panalangin ay gumagamit ng maiikling pangungusap. Hindi na kailangang magpaliwanag o mangatwiran sa Panginoon sa mga panalangin. Kailangan lamang nating sabihin sa Kanya ang nais natin. Kailangan din nating ipanalangin na dumami tayo sa bilang. Kailangan nating ipanalangin, “Panginoon, paramihin Mo ang Iyong bayan na parang kawan.” Hindi natin kailanman dapat aliwin ang sarili natin kapag nabibigo tayo sa bagay ng pagpapalawak. Kailangan talaga natin ng pagdami sa bilang ng tao. Kailangan nating manalangin para sa pagpaparami. Kailangan nating ipanalangin na  palawakin tayo ng Panginoon at na magdala Siya ng mga tao na parang kawan (1 Tim. 2:4; Ezek. 36:37-38).

Mga kapatid, nawa sa mga panahong ito, magamit nating mabuti ang mga technology platforms tulad ng Zoom, Messenger, Viber, atbp. upang mag-ensayo kasama ng ating mga buháy na kasama na isagawa ang itinalagang-daan ng Diyos, na itatag ang ating pang-umagang pagpapanauli at buhay-panalangin, at na maipasok ang kalagayan ng pagpapanauli sa loob ng ekklesia.

Isang Salita ng Salamuha mula sa mga Kamanggagawa sa Pilipinas