Menu Close

Ang Ating Buhay-Ekklesia sa Kinahaharap na COVID-19: Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot

Maaari itong i-download.

Ang biglaang pananalasa ng COVID-19 ay nagsanhi ng isang matinding epekto sa ating mga buhay kalakip ang malalaking hamon at pagbabago sa mundong pinaninirahan natin. Ang lahat ng gawain sa lumalaking globalisadong lipunan, mula sa personal na buhay, buhay-pamilya, edukasyon, trabaho, ekonomiya, at pamahalaan, maging sa ating buhay-ekklesia, ay lubhang naapektuhan. Bawat bagong update sa pandemiko ay pumupukaw ng takot sa halip na kapayapaan. Habang natatakot at nangangambang nangangapa sa kadiliman ang mga tao sa mundong ito, paano tayong mga mananampalataya dapat kumilos at tumugon sa mga ganitong pandemiko, na tinutukoy ng Biblia na peste o salot?

Habang nababalot ng takot ang buong mundo, mayroong 365 bersikulo sa Biblia na nagsasabi sa ating “Huwag matakot” o “Huwag mangamba.” Nangangahulugan itong mayroon tayong isang tiyak na pangako kada araw mula sa Panginoon sa buong taon upang sabihin sa atin na huwag mangamba maging sa mga panahon ng krisis. Partikular pa Niyang ipinangako na ililigtas Niya ang Kanyang bayan mula sa peste (Awit 91:3, 6), at walang salot ang darating sa atin kung bibigyang-halaga natin ang Kanyang salita (Exo. 12:13; 30:12).

Di gaya ng mga makasanlibutang tao, hindi natin kailangang matakot sa peste sapagkat nalalaman natin na mayroon itong ginagampanan sa ekonomiya ng Diyos. Sa buong kasaysayan, ang mga biglang paglaganap ng mga peste gaya ng Bubonic Plague, cholera epidemic, Spanish flu, SARS, MERS, Avian Flu at ngayon COVID-19 ay hindi mga aksidente o nagkataon lamang; sa halip, ang mga ito ay soberanong pinahintulutan kung hindi ipinadala ng Diyos upang kastiguhin itong masama at di-nagsisising sanlibutan.

Salot sa Biblia

Sa Lumang Tipan, sa Kanyang pagkagalit sa bahay ni Jacob, na ang puso ay bumaling palayo sa Diyos, sinabi ni Jehovah, ““Aking pinarating sa gitna ninyo ang salot na gaya ng sa Ehipto” (Amos 4:10a). Ang salitang “salot” ay unang nabanggit sa Biblia sa Exodo 5:3 nang nakipag-usap sina Moises at Aaron kay Faraon na palayain ang mga Israelita sa Ehipto “kung hindi ay darating Siya sa amin na may salot o tabak.” Kalaunan, ang mga salot sa anyo ng mga peste sa maraming pagkakataon ay dumating sa mga taga-Ehipto bilang resulta ng katigasan ng puso ni Faraon sa hindi pagbibigay-halaga sa salita ni Jehovah.

Sa apat na Ebanghelyo, habang sinasabi ng Panginoon ang mga tanda ng Kanyang pagbabalik sa mga disipulo, pauna Siyang nagbabala sa kanila na magkakaroon “sa iba’t ibang dako…[ng] mga salot at mga taggutom; magkakaroon kapwa ng mga bagay na kakila-kilabot at ng mga dakilang tanda mula sa langit” (Luc. 21:11), at “ang mga bagay na ito ay simula ng mga kirot ng panganganak” (Marc. 13:8b) na sinusundan ng mga huling panahon.

Sa Apocalipsis, sa ikaapat ng pitong tatak na nakita ni Apostol Juan sa makalangit na pangitain ng mga bagay na magaganap sa lupa, inihayag niya sa atin ang isang maputlang kabayo [o, maputlang berde, na sumasagisag sa kulay ng mukha ng mga tinamaan ng salot (fn. Apoc. 6:81)], at ang nakasakay na ang pangalan ay “Kamatayan”; at sinusundan siya ng Hades. At ang awtoridad ay ibinigay sa kanila sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay gamit ang tabak at ang taggutom at ang kamatayan [o, salot (fn. Apoc.6:83)] at sa pamamagitan ng mga halimaw ng lupa (Apoc. 6:8).

Ang mga babala ng parusa sa pamamagitan ng peste, ay ipinadadala rin ni Jehovah sa mga sumusuway sa mga ordinansa ng Diyos (Lev. 26:15, 25) at sa mga yaong nakatutok ang pag-iisip sa pagpasok sa Ehipto (Jer. 42:17).

Ang may Dalawang Panig na Gamit ng Diyos sa mga Salot

Sa sumunod na bahagi, ipinaliwanag ni Kapatid Lee kung bakit gumagamit ang Diyos ng mga salot para sa Kanyang layunin:

“Dahil hinahadlangan ng mga tao ng sanlibutan ang bayan ng Diyos na isakatuparan ang Kanyang layunin, dumating ang Diyos upang hatulan ang paraan ng pamumuhay sa Ehipto. Hindi ganap na naunawaan maging ng mga anak ni Israel mismo ang tunay na kalikasan ng Ehipciong pamumuhay. Kailangan rin nila ng isang pahayag ng kalikasan, pamumuhay, at resulta ng buhay sa Ehipto. Mas lalong nahahatulan ang mga Ehipcio, mas lalong naliliwanagan ang mga anak ni Israel hinggil sa pamumuhay ng Ehipto. Samakatuwid, ang Diyos ay gumamit ng salot upang isakatuparan ang dalawang bagay: upang parusahan ang mga Ehipcio nang sa gayon ay palayain nila ang Kanyang bayan, at upang buksan ang mga mata ng mga anak ni Israel ukol sa kalikasan ng buhay na nasa ilalim ng pangangamkam sa Ehipto. Ang kaliwanagang natanggap nila sa pamamagitan ng mga salot ang nagsanhi sa kanilang maging laang lisanin ang Ehipto at pumunta tungo sa ilang kung saan, sa bundok ng Diyos, matatanggap nila ang pahayag ng Diyos hinggil sa Kanyang panananahanang lugar.”

(Pag-aaral Pambuhay ng Exodo, kapitulo 18, seksyon 2)

Ang mga sunud-sunod na salot na sumapit sa mga Ehipcio ay binubuo ng mga salot kapwa sa mga tao at sa kanilang mga hayop, kaya sa parehong seksyon ay sinabi pa sa atin ni Kapatid Lee na:

“Ang prinsipyo ng pagkakasangkot o pagkakadawit ay umiiral ngayon. Kung iniibig natin ang Panginoon at pinaglilingkuran Siya sa ilalim ng Kanyang pagpapala, ang lahat ng may kaugnayan sa atin ay pagpapalain din. Maging ang mga bagay gaya ng mga hayop at materyal na pag-aari ay pagpapalain. Kung iniibig natin ang Panginoon, maging ang ating kapaligiran ay pagpapalain. Ang ating mga kamag-anak, mga kaibigan, at mga kapitbahay ay positibong napapasama sa pagpapalang nasa atin. Sa ilalim ng katuwiran ng Diyos, tayong mga umiibig sa Panginoon ay nagiging salik ng pagpapala sa iba, maging sa lipunan sa kabuuan. Yaong mga hindi nakakikilala sa Panginoon ay maaaring matamasa ang mga pakinabang ng isang gayong positibong pagkakaugnay (positive implication).”

Mahahalagang Araling dapat Matutuhan

Maaari tayo matuto at dapat tayong matuto ng ilang napakahalagang aralin mula sa kapwa paghahatol ng Diyos sa mga Ehipcio at sa mga kamalian ng mga Israelita na nag-anyaya ng poot ng Diyos na magpadala ng salot maging sa gitna ng bayan ng Diyos. Ang mga sumusunod na aralin ay maaaring iaplay kapwa sa ating personal na buhay at buhay-ekklesia:

  1. Ang Diyos ay may pananda ng paghihiwalay sa pagitan ng mga Israelita, ang Kanyang bayan, at ng mga Ehipcio (Exo. 9:4, 6). Sa panahon ng salot, pinangangalagaan ng Diyos ang Kanyang sariling bayan sa panlabas, at nagmiministeryo ng kapayapaan sa kanila sa panloob.
  2. Hindi tayo sa sanlibutan (Juan 17:16); dapat nating ialis sa ating sarili ang pag-ibig at pang-ookupa ng sanlibutan (1 Juan 2:15), hinahandog ang ating sarili bilang isang buháy na hain, banal, kalugud-lugod sa Diyos, na ating makatwirang paglilingkod (Roma 12:1), at hindi maiayon sa kapanahunang ito (b. 2).
  3. Kailangan nating mangagsitatag sa pananampalataya (2 Cor. 1:24), magkaroon ng gayunding espiritu ng pananampalataya (4:13), nagsisilakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin (5:7), at ibigin Siya sa loob ng pananampalataya (1 Pet. 1:8). [cf. Bil. 14:11-12, 37]
  4. Dapat nating sundin ang pangunguna ng Panginoon nang direkta at sa pamamagitan ng Kanyang mga itinalagang awtoridad (Heb. 13:17, 1Pet. 5:5; 1 Cor. 16:16), na lubhang kinakailangan sa buhay-ekklesia sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos (talababa Heb. 13:171). [cf. Bil. 16:40]
  5. Dapat nating bantayan ang ating mga sarili mula sa lahat ng diyos-diyosan at pagsamba sa diyos-diyosan (1 Juan 5:21; 1 Tes. 1:9; 1 Cor. 10:7, 14) at lahat ng uri ng pakikiapid (Bil. 25:1-2; 1 Tes. 4:3; 1 Cor. 6:15; 10:8, Apoc. 2:14). [cf. Bil. 25:9].
  6. Dapat tayong maghintay sa utos ng Panginoon sa lahat ng bagay na ating ginagawa hinggil sa mga banal, ang Kanyang piniling bayan (Exo. 30:12), at dapat na lubusang magtiwala sa Kanya. [cf. 1 Cron. 21:3-4; 27:23-24]

Hindi Natatakot sa Salot subalit Natatakot sa Diyos

Kung nalalaman natin ang puso ng Panginoon, kung gayon ay walang tayong dahilan upang katakutan ang anumang salot na darating sa atin gaya nang walang takot sa loob ng pag-ibig, kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot (1 Juan 4:18). Habang ang buong mundo ay pinanghahawakan ng takot sa virus na ito—mula sa mga pinuno ng sanlibutan at mga artista, pababa sa sa pangkalahatang publiko—wala tayong dapat ikatakot dahil taglay natin ang Panginoon, alam natin ang Kanyang kalooban, at lumalakad tayo ayon sa Kanyang salita. Gayunpaman, tayong mga Kristiyano ay dapat magkaroon ng ibang pagkatakot—isang mabuting pagkatakot—na tayo ay maaaring hindi makaabot sa ipinangakong kapahingahan. Ito ay isinalita sa Hebreo 4:1 kung saan sinasabi, “Matakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa Kanyang kapahingahan, baka sakaling sinuman sa inyo ay maging tulad sa di-nakaabot niyaon.”

Sa community quarantine at nalalapit na pagpapatupad ng curfew sa Metro Manila, dapat magbigay ito sa mga banal ng sapat na oras na magmuni-muni at tanungin ang Panginoon, “Panginoon, gaano ba Kita kinatatakutan? Gaanong takot ba ang meron ako na maiwan sa pangamo Mo na makapasok sa Iyong kapahingahan?” At ang Kanyang awa ay para sa mga sali’t saling lahi sa mga yaong nangatatakot sa Kanya (Luc. 1:50). Ito ay kamanghamanghang nakakaaliw na salita sa atin ng Panginoon, ang Kanyang awa ay nasa atin at nasa ating mga anak at anak ng ating mga anak!

Ang Ating Buhay-Ekklesia Ngayon

Hinggil sa ating buhay-ekklesia, ang COVID-19 ay isang tawag na panggising sa atin mula sa Panginoon. Bumangon nawa tayong lahat sa ating pagkatulog nang sa gayon ay magliwanag si Kristo sa atin (Efe. 5:14). Sa Mateo 24:32, sinasabi sa atin ng Panginoon na kapag ang sanga ng puno ng igos ay nanariwa at nag-usbong ng mga dahon nito, nalalaman natin na malapit na ang tag-init, gayundin naman, kapag nakita natin ang lahat ng bagay na ito—mga lindol, mga digmaan, mga taggutom, katiwalian, ang pagyanig ng kalangitan at ang pagpapahayag ng ebanghelyo ng kaharian sa buong pinananahanang lupa—sa gayon nalalaman, na ito ay malapit na, nasa mga pintuan. Kapag nakakakita at nakakarinig tayo hinggil sa mga kalamidad at mga epidemya sa pangkalahatang bahagi, nagpapaalala ito sa atin na malapit nang bumalik ang Panginoon. Babalik Siya hindi lamang upang hatulan ang lupa at ang Kanyang kaaway na si Satanas, bagkus babalik Siya upang kunin Niya kung ano ang mahalaga. Ang Kanyang pagdating ay tulad ng isang magnanakaw na darating upang nakawin ang mahalaga (Luc. 12:39-40; 2 Ped. 3:10). Magkaroon nawa tayong lahat ng malusog na pagkatakot sa ating Panginoon, kung hindi mabibilang tayo na di-karapat-dapat na nakawin Niya sa Kanyang pagpapakita. Sumunod nawa tayo sa pagkilos ng Espiritu sa kapaligiran at sa loob natin sa kritikal na mga panahong ito upang bumangon at ibigin ang Panginoon nang ating buong puso at nang ating buong kaluluwa at nang ating buong kaisipan at nang ating buong kalakasan (Marc. 12:30).

Ang ating buhay-ekklesia sa nakaraan ay kinapapalooban ng maraming pagpupulong, malaki o maliit. Gayunpaman, sa pagsasaaalang-alang sa kasalukuyang nagaganap na pandemikong COVID-19 at bilang pagsunod sa utos ng gobyerno hinggil sa pagdistansya sa isa’t isa, tinatanggap natin na ang magsama-sama ang mga banal upang magpulong ay talagang imposible. Gayunpaman, maaari pa rin tayong sumunod sa panghihikayat ni apostol Pablo sa atin sa Hebreo 10:25 na hindi natin dapat “pinababayaan ang ating pagkakatipon.” Habang sinisikap ni Satanas na hadlangan ang ekklesia na magsama-sama para sa pagsasalamuha ng Katawan tungo sa ikatatayo nito, maaari pa rin nating gamitin ang kasalukuyang mga mobile device at iba’t ibang internet platform na ginawang laan sa atin mula sa Diyos upang magkaroon ng maraming birtuwal na pagpupulong. Ngayon ang pinakamainam na panahon at pagkakataon upang iaplay ang araw kada araw (Gawa 2:47) na pagpupulong at araw-araw (5:42) na buhay-ekklesia, kung saan walang limitasyon sa panahon o sa lugar upang makapagpulong ang mga banal. Bagama’t hindi natin ito magagawa nang personal sa pampisikal, gayunpaman magagawa natin ito nang birtuwal o sa telepono.

Sa huli, yamang itinalaga ng Panginoon ang mga yaong nangunguna sa atin at nagpapastol sa atin sa mga ekklesia, bukod sa pagpapanatili ng wastong hygiene, pagdistansya sa isa’t isa, at mga patakarang inilatag ng mga awtoridad pangkalusugan nang sa gayon ay maprotektahan tayo mula sa COVID-19, para sa kapakanan ng Panginoon at para sa Kanyang interes sa lupa, gagawin din natin nang lubos na sumunod sa salamuha ng mga matanda ng ekklesia (Heb. 13:17) kung saan tayo magpupulong kung paano natin mainam na igagawi ang ating espiritwal na paghahabol at kung paano magpapatuloy ang ating buhay-ekklesia sa mga alternatibong pamamaraan sa panahon ng community quarantine. Pagpalain at ingatan nawa ng Panginoon ang lahat ng banal at mga ekklesia sa mga panahong ito ng mga pagsubok at pagsusulit. Amen!

Mga Kamanggagawa sa Pilipinas