Mayo 20, 2020
Ang ating buhay-Kristiyano ay isang buhay ng patuloy na pagpipista. Nang iligtas tayo ng Panginoon, hindi lamang Siya naging ating buhay, bagkus naging ating panustos-buhay rin. Sa Lumang Tipan, ang mga Israelita, na sumasagisag sa ekklesia, ay tinawag-palabas ng Ehipto upang magdaos ng kapistahan kay Jehovah sa ilang (Exo. 5:1). Kaya nagsimula ang kanilang 40 taong paglalakbay, na sa buong panahon ay hindi huminto ang Panginoon sa pagtutustos sa kanila sa bawat paraan. Sa isang pakahulugan, ang kanilang buong paglalakbay ay isang buhay ng pagpipista, na kinukuha ang Diyos bilang kanilang lahat-lahat.
Nang dumating ang Panginoon, pinagtibay Niya ang Bagong Tipan para sa atin sa pamamagitan ng pagbububo ng Kanyang dugo. Ito ang pamana sa ating lahat, na pawang ipinamana sa atin upang matamasa at maranasan. Pagkatapos ihanda ang lahat ng probisyon, tinawag Niya tayo upang makipagpiging sa Kanya (Luc. 14:17). Ang lahat ng kung ano si Kristo, naisakatuparan, natamo, at nakamit, ay pawang natatanto nating lahat sa espiritu habang nagpipiging tayo sa Kanya. Higit pa rito, hindi lamang Niya tayo indibidwal na pinakakain, bagkus higit pa nang sama-sama, sa pamamagitan ng paghahanda ng isang hapag sa ilang para sa atin upang tustusan tayo sa lahat ng ating mga araw (Awit. 78:19). Dinala Niya tayo sa ekklesia, sa Kanyang bahay na may handaan, at ang Kanyang watawat sa atin ay pag-ibig (A.A. 2:4). Habang ang ating buhay-Kristiyano ay nagsimula sa isang piging, ito ay magpapatuloy bilang isang buhay ng pagpipiging sa pamamagitan ng hapag ng Panginoon.
Ang Pagpupulong ng Pagpipira-piraso ng Tinapay Bilang ang Pinakamahalagang Pagtitipon ng Ekklesia
Ang pinakamahalagang pagtitipon ng ekklesia na dapat nating sikaping hindi libanan ay ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Ang Panginoon ang punong abala at inimbitahan Niya tayong lahat upang magpiging kasama Niya nang regular at patuloy sa pamamagitan ng pagpapanatiling matibay sa Kanyang hapag hanggang sa Kanyang pagbabalik. Sa pagpupulong na ito, kapwa ang Diyos at tao ay nasisiyahan. Habang inaalaala natin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa Kanya sa espiritu, ibinibigay natin sa Kanya ang tunay na pagsamba na nagpapasiya sa Kanya.
Ang mga mananampalataya sa buhay-ekklesia noong unang panahon ay lubhang masigasig para sa hapag ng Panginoon kaya nagpulong sila nang sama-sama upang magpira-piraso ng tinapay araw-araw sa bahay-bahay (Gawa 2:42, 46). Kalaunan isinagawa nila ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay nang di-bababa sa isang beses sa isang linggo sa mas malalaking pagtitipon ng ekklesia tuwing Araw ng Panginoon (20:6-7). Ano ang espiritwal na kahulugan ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay? Ang wastong kaalaman at pagkaunawa ay higit na nakakaapekto sa ating saloobin sa pagdalo sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Sa kadahilanang ito, nais naming isalamuha sa mga banal ang tungkol sa kahulugan at kahalagahan ng pagpipira-piraso ng tinapay, lalo na sa panahong ito ng paglilimita na pananatili sa bahay, nang sa gayon tayo ay makapagpatuloy nang matibay sa pagpipira-piraso ng tinapay sa pamamagitan ng wastong pagpipiging na ito maging sa mga panahong ito ng community quarantine.
Ang Pagpupulong ng Hapag ng Panginoon ay Itinatag ng Panginoon
Isang bagay na lubhang nagsasanhing iba ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa ibang pagpupulong ng ekklesia ay yaong ito ay isang pagpupulong na itinatag ng Panginoon Mismo. Noong hapunan, noong gabi na ang Panginoong Hesus ay ipagkanulo, kinuha ng Panginoon ang tinapay at pinagpala ito. Pagkatapos makapagpasalamat, pinagpira-piraso Niya ito at ibinigay sa mga disipulo, na nagsasabi, “Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ang Aking katawan na ibinigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa Akin.” Gayundin naman, pagkatapos nilang maghapunan, kinuha Niya ang saro at nagpasalamat. Pagkatapos ay ipinasa ito sa kanila at sinabi, “Inumin ninyo. Kayong lahat. Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa Aking dugo, na ibinubuhos para sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Gawin ninyo ito, sa tuwing kayo ay magsisiinom nito, sa pag-alaala sa Akin.” (Mat. 26:26-28; Marc. 14:22-25; Luc. 22:19-20; Juan 13:2; 1 Cor. 11:23-25). Hindi hiniling ng Panginoon sa mga disipulo na alalahanin ang Kanyang kapanganakan tulad ng karaniwang isinasagawa sa Kristiyanidad sa pamamagitan ng Pasko, subalit inatasan Niya sila na alalahanin Siya sa pamamagitan ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay.
Pinapalitan ang mga Kapistahan sa Lumang Tipan
Personal na itinatag ng Panginoon ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay kaagad na matapos Niya at ng Kanyang mga disipulong kainin ang Paskua (Mat. 26:19; Marc. 14:14; Luc. 22:7, 13). Ginawa Niya ito upang palitan ang Kapistahan ng Paskua dahil tutuparin Niya ang sagisag na ito at magiging ang tunay na Paskua sa atin (1 Cor. 5:7). Ngayon, sa ating pagdalo sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, ginaganap natin ang tunay na Paskua at Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura (Mat. 26:17; 1 Cor. 5:8), na isang pitong-araw na kapistahan (Lev. 23:6). Sa unang araw nito, ang Paskua ay ipinagdiriwang (Luc. 22:1; Marc. 14:1). Ito ay partikular na makahulugan dahil ito ay sumisimbolo sa isang bagong simula kung paanong ang isang araw na Kapistahan ng Paskua ay ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura (Exo. 12:6, 11, 15-20; Lev. 23:5). Kung paanong ang mga kapistahan ng Paskua at ng Tinapay na Walang Lebadura ay sa mga Israelita sa Lumang Tipan, gayundin ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay sa ating mga mananampalataya sa Bagong Tipan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating magsama-sama sa Araw ng Panginoon, ang unang araw ng sanlinggo, sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Ang Bagong Tipang piging ng hapag ng Panginoon ay magpapatuloy sa kapanahunang ito bilang ating paunang tikim ng mas mayaman at mas lubos na pagtatamasa sa darating na kaharian ng Diyos kapag ang Panginoon ay makikipagpiging sa mga mandaraig na banal sa Kanyang pagbabalik (Luc. 22:30; 13:28-29) sa hapunan ng kasalan ng Kordero (Apoc. 19:19), na siyang pagpapasukdol ng ating buhay ng pagpipiging.
Sa pananaw na ito, inatasan ng Panginoon ang mga disipulo na “gawin ito”, ikinikintal sa kanila ang kahalagahan ng kanilang pagsasama-sama upang kainin ang tinapay at inumin ang saro. Hiniling pa ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na gawin ito sa tuwinang magagawa nila hanggang sa Kanyang pagbabalik (1 Cor. 11:26). Habang tayo ay nagtitipon para sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay (Gawa 20:7), nagsasama-sama tayo upang kainin ang hapunan ng Panginoon (1 Cor. 11:20) at dumalo sa hapag ng Panginoon (1 Cor. 10:21).
Ang Pagkain sa Hapunan ng Panginoon Bilang Pag-alaala sa Panginoon
Habang inaalaala natin ang Panginoon sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, hindi ito ang oras upang humingi ng mga pagpapala sa pamamagitan ng mga pagsusumamo at mga daing. Sa katunayan, sa lahat ng ibang pagpupulong ng ekklesia, si Kristo ang patungo sa atin; subalit sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, tayo ang patungo sa Panginoon. Dapat nating ihanda ang ating sarili at dumating sa itinakdang oras ng pagsamba sa Panginoon sa espiritu, sa pamamagitan ng pag-alaala sa Kanya sa Kanyang persona at gawain.
Inaalaala ang Panginoon Mismo
Ang unang aspeko ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay ang pagkain ng hapunan ng Panginoon. Tumutukoy ito sa kaugnayan sa pagitan natin at ng Panginoon at maaaring tawaging patayong aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Ang diin ng pagkain ng hapunan ng Panginoon ay sa pag-alaala sa Panginoon (1 Cor. 11:20, 23-25). Sa pamamagitan ng pagkain sa tinapay ng Panginoon at pag-inom sa Kanyang saro, kinakain natin ang hapunan ng Panginoon upang alalahanin ang Panginoon.
Hinggil sa hapunan ng Panginoon, ang tinapay ay sumasagisag sa indibidwal, pisikal na katawan ng Panginoon na Kanyang ibinigay para sa atin (1 Cor. 11:23). Ang tinapay ay nagpapahiwatig din sa buhay—ang walang hanggang buhay ng Diyos (Juan 6:33-35, 48). Kaya, ang tinapay ay isang simbolo na sumasagisag sa katawan ng Panginoon, na nabasag sa krus upang palayain ang Kanyang buhay nang sa gayon ay makabahagi tayo rito. Sa tuwing nakikita natin o tinatanggap ang tinapay, inaalaala natin kung paanong ang Kanyang katawan ay ibinigay para sa atin (1 Cor. 11:24) upang tayo ay magkaroon ng Kanyang walang hanggang buhay, at kung paanong ang Kanyang katawan ay nabasag para sa atin upang Siya ay maipamahagi bilang tinapay sa atin.
Ang saro ay sumasagisag sa bagong tipan na pinagtibay ng Panginoon para sa atin sa pamamagitan ng pagbububo ng Kanyang dugo (1 Cor. 11:25). Sa tuwing nakikita natin o tinatanggap ang saro, dapat nating isaalang-alang kung paano nakibahagi sa laman at dugo ang Panginoon para sa atin (Heb. 2:14), kung paano Niya pinasan ang ating mga kasalanan, ginawang kasalanan para sa atin, at hinatulan at isinumpa para sa atin. Ibinubo Niya ang Kanyang dugo para sa atin upang tayo ay matubos mula sa ating mga kasalanan nang sa gayon ang ating mga kasalanan ay mapatawad (Mat. 26:28), at madala mula sa ating natisod na kalagayan pabalik sa Diyos at sa ganap na pagpapala ng Diyos.
Ibinubo ng Panginoon ang Kanyang dugo upang mabuo ang saro ng pagpapala, ang ating pinagpalang walang hanggang bahagi (1 Cor. 10:16), na siyang Diyos Mismo bilang bahagi ng mga mananampalataya (Awit 16:5). Dati sa loob ni Adam tayo ay makasalanan at masama, at ang bahaging nararapat sa atin mula sa Diyos ay ang saro ng poot ng Diyos (Apoc. 14:10; 21:8) Gayunpaman, ininom ng Panginoon ang sarong ito para sa atin sa krus (Juan 18:11). Kaya, ang Kanyang pagliligtas ay naging ating bahagi (Panag. 3:24; Col. 1:12), ang saro ng kaligtasan (Awit 116:13) at ang saro ng pagpapala na umaapaw (Awit 23:5). Sa pamamagitan ng pag-inom sa saro, nararanasan natin ang Diyos Mismo bilang ating nagpapaloob ng lahat, pinagpalang bahagi. Ito ay ang alalahanin ang Panginoon sa isang tunay na paraan.
Idinedeklara ang Kamatayan ng Panginoon
Habang kinakain natin ang tinapay ng Panginoon at iniinom ang Kanyang saro, magkasabay nating inaalaala ang Panginoon at idinedeklara ang Kanyang kamatayan (1 Cor. 11:26). Sa orihinal, ang dugo ay nasa laman. Kapag ang dugo ay nakahiwalay sa laman, nangangahulugan ito na naganap ang kamatayan. Ang tinapay ay tumutukoy sa katawan ng Panginoon at ang saro sa Kanyang dugo. Ang tinapay at ang saro, na itinatanghal nang hiwalay sa hapag, ay sumasagisag sa kamatayan. Habang inaalaala natin ang Panginoon, itinatanghal natin ang kamatayan ng Panginoon upang makita natin at upang makita ng iba, kasama ang mga anghel. Ang kamatayan ni Kristo sa krus ay pumatay sa lahat ng negatibong bagay, at ang katapusan ng mga ito ay hayag na ipinakita.
Kinukuha natin ang hapunan ng Panginoon sa pag-alaala sa Kanya sa pamamagitan ng pagdedeklara ng Kanyang nagtutubos na kamatayan hanggang sa Kanyang pagbabalik upang itatag ang kaharian ng Diyos (Mat. 26:29). Sa Kanyang unang pagdating, isinakatuparan ng Panginoon ang nagpapaloob ng lahat na pagtutubos sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan para sa pagbubunga ng ekklesia. Pagkatapos ng Kanyang kamatayan, Siya ay umakyat sa langit upang tanggapin ang kaharian, at darating muli kasama ang kaharian (Dan. 7:13-14; Luc. 19:12). Ang panahon sa pagitan ng Kanyang una at ikalawang pagdating ay ang kapanahunan ng ekklesia. Kaya pinagdurugtong ng ekklesia ang dalawang pagdating ng Panginoon at iniuugnay ang Kanyang kamatayan noong nakalipas sa kaharian ng Diyos sa hinaharap. Kaya, ang ideklara ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa Kanyang pagdating ay nagpapahiwatig ng pagdedeklara ng pag-iral ng ekklesia para sa pagpasok ng kaharian.
Sa tuwing kinakain natin ang hapunan ng Panginoon na may pananaw ng patuloy na pag-alaala sa Kanya sa Kanyang una at ikalawang pagdating at sa isang espiritu at atmospera ng pag-asa at paghihintay sa Kanyang pagbabalik, pinabibilis din natin ang pagdating ng Panginoon. Habang inaalaala natin ang Panginoon at nakikibahagi sa lahat ng pagpapala mula sa Kanya, ang ating mga puso ay naiaakma na mabuhay tungo sa Kanya habang naghihintay sa Kanyang pagdating, at sinasambit nating muli ang Kanyang pangako, “Malapit na Akong dumating,” habang ating sama-sama nating isinisigaw, “Amen. Dumating Ka, Panginoong Hesus.”
Ang Pagdalo sa Hapag ng Panginoon Bilang Pakikipagsalamuha sa mga Banal
Ang ikalawang aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay ang dumalo sa hapag ng Panginoon. Ipinababatid nito ang ugnayan sa pagitan natin at ng mga banal at maaari ding tawaging pahalang na aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Habang ang pagkain ng hapunan ng Panginoon ay upang alalahanin natin ang Panginoon, ang pagdalo sa hapag ng Panginoon ay upang ang lahat ng sangkap ng Katawan ni Kristo ay magsalamuha sa loob ng Panginoon (1 Cor. 10:16-17) sa Kanyang mga naisakatuparan para sa atin, kung saan ang diin ay nasa pagsasalamuha sa gitna ng mga banal. Ang diin ay hindi sa indibidwal na pag-inom ng dugo ni Kristo kundi sa isang magkasamang pakikilahok sa Kanyang dugo, na siyang sirkulasyon ng salamuha sa loob ng Katawan ni Kristo.
Pagiging nasa Kapwa Pagsasalamuha ng Katawan
Ang magkasamang pakikilahok na ito ay ang kapwa pagsasalamuha sa gitna ng mga sangkap ng Katawan sa tuwing tayo ay “nakikibahagi sa hapag ng Panginoon” (1 Cor. 10:21). Ito ang dahilan kung bakit dapat tayong makibahagi sa hapag ng Panginoon hindi nang tayo-tayo lamang, kundi kasama ang ibang mga banal; kung hindi, magkakaroon lamang tayo ng patayong aspekto ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Ang pagsasalamuhang ito ay ginagawa tayong mga kalahok sa dugo at katawan ng Panginoon. Hindi lamang tayo kaisa ng Panginoon, kundi kaisa ng isa’t isa rin. Hindi lamang natin iniibig ang Panginoon, bagkus iniibig din natin ang isa’t isa. Ipinakikipagkaisa natin ang ating sarili sa Panginoon at gayundin sa ibang kapwa sangkap sa Katawan ni Kristo sa salamuha ng Kanyang dugo at katawan.
Ang tinapay at ang saro ang bumubuo sa hapunan ng Panginoon, na isang hapag—isang piging, na itinatag Niya upang ang Kanyang mga mananampalataya ay maaaring alalahanin Siya sa pamamagitan ng pagtatamasa sa Kanya bilang gayong isang piging. Samakatwid, ang alalahanin ang Panginoon ay hindi ang ikandado mong mag-isa ang iyong sarili sa loob ng iyong silid at magmunimuni sa Kanya, kundi ang dumalo sa hapag ng Panginoon at magpiging sa Panginoon kasama ng mga banal.
Nagpapatotoo sa Isang Katawan ni Kristo
Tungkol sa hapunan ng Panginoon, ang tinapay ay tumutukoy sa pisikal, indibidwal na katawan ng Panginoon, na Kanyang ibinigay para sa atin sa krus, samantalang sa aspekto ng hapag ng Panginoon, ang tinapay ay tumutukoy sa sama-samang Katawan ng Panginoon—ang ekklesia, na binubuo ng lahat ng isinilang na muli na mga mananampalataya na ibinunga sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay na muli mula sa kamatayan. Tayo ang tinapay, at ang tinapay na ito ang ekklesia. Sama-sama tayong bumabahagi at kumakain ng tinapay na hindi lamang sumisimbolo sa indibidwal na katawan ni Kristo, bagkus gayundin sa isang sama-sama, mistikong Katawan ni Kristo (1 Cor. 10:17).
Ang tinapay ay sumasagisag sa isang Katawan ni Kristo. Bagama’t tayo ay marami, tayo ay iisang Katawan dahil nakikibahagi tayo sa iisang tinapay. Ang ating magkasamang pakikilahok sa isang tinapay ay ginagawa tayong lahat na isa. Nagpapahiwatig ito na ang ating pakikibahagi nang sama-sama kay Kristo ay ginagawa tayong lahat na Kanyang isang Katawan. Ang mismong Kristo na ating binabahagi ang bumubuo sa atin na Kanyang isang Katawan. Samakatwid, sa tuwing tayo ay dumudulog sa hapag ng Panginoon upang magpira-piraso ng tinapay, pinapatotohanan natin ang kaisahan ng mistikong Katawang ito, yaon ay, ang pansansinukob na ekklesia. Ang ating pakikilahok sa hapag ng Panginoon sa panahon ng pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay isang patotoo nitong namumukod-tanging salamuha ng Kanyang namumukod-tanging Katawan, na walang anumang pagkakabaha-bahagi sa pagsasagawa o sa espiritu.
Ang Pagsamba sa Ama
Batay sa Biblia, may dalawang bahagi ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay: ang pag-alaala sa Panginoon at ang pagsamba sa Ama. Ayon sa pagkakasunod-sunod sa pagliligtas ng Diyos, una nating tinatanggap ang Panginoon at pagkatapos ay lumalapit sa Ama. Sa Mateo 26:26-30, pagkatapos na pagpira-pirasuhin ng Panginoon ang tinapay at umawit ng isang himno kasama ang mga disipulo, Kanyang dinala sila sa Bundok ng Olibo upang makipagpulong sa Ama. Isang prinsipyo ang ipinahihiwatig at itinatatag, yaon ay, pagkatapos nating magpira-piraso ng tinapay upang alalahanin ang Panginoon, tayo ay dinadala sa pagsamba sa Ama nang sama-sama.
Sa unang bahagi ng pagpupulong, nasa harapan natin ang Panginoong Hesus. Sa ikalawang bahagi, pagkatapos ng pagpipira-piraso ng tinapay, nasa harapan natin ang Ama. Bago ang pagpipira-piraso ng tinapay, dinadala tayo ng Panginoon na alalahanin ang Kanyang sarili; lahat ng himno, pasasalamat, at papuri ay dapat taglayin Siya bilang sentro. Sa ikalawang bahagi, taglay natin ang Ama bilang pinagtutuunan ng ating papuri at pagsamba. Bago ang pagpipira-piraso ng tinapay, nakikita natin ang Panginoong Hesus bilang ang bugtong na Anak na inilalarawan sa Hebreo 2—ang butil na nahulog sa lupa at namatay (Juan 12:24). Pagkatapos ng pagpipira-piraso ng tinapay, makikita natin ang Panginoong Hesus na panganay na Anak, at tayong maraming anak ng Diyos, ang Kanyang mga kapatid. Dinadala Niya ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian, at sa pagpupulong, dinadala Niya tayong maraming kapatid Niya sa pag-awit ng papuri sa Ama.
Ilang Praktikal na Bagay sa Pagpupulong ng Pagpipira-piraso ng Tinapay
Ang Tinapay at ang Saro
Sa pagtatatag ng unang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay noong gabi ng Kanyang hapunan kasama ang mga disipulo, ginamit ng Panginoon ang tinapay na walang lebadura (Exo. 12:15; 13:7), hindi kahit anong tinapay na may lebadura. Ang saro, sa kabilang panig, ay naglalaman ng “bunga ng puno ng ubas” (Mat. 26:29; Marc. 14:25), na nangangahulugang “katas ng ubas.” Kaya, maaari tayong gumamit ng tinapay na walang lebadura o pampaalsa, at alinman sa purong alak na gawa sa ubas o purong katas ng ubas para sa hapag ng Panginoon. Dapat ding bigyang-pansin na ang diin ng Panginoon sa ating pakikibahagi sa Kanyang katawan at Kanyang dugo ay nasa espiritwal na realidad ng pagtanggap sa Kanya tungo sa loob natin; hinding-hindi nito ipinahihiwatig na ang tinapay at ang alak na nasa saro sa katunayan ay nagiging laman at dugo ni Kristo gaya ng maling itinuturo sa may lebadura at ereheng pagtuturo ng transubstansiya ng Romano Katoliko.
Ang Paghahanda Natin Bago ang Pagpupulong
May tatlong bagay na dapat nating ihanda bago pumunta sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay. Una, dapat nating panatilihin ang isang banal na diyeta sa ating araw-araw na pamumuhay, hindi lamang sa pagpupulong, sa pamamagitan ng pagkain kay Hesus bilang tinapay ng buhay (Juan 6:35, 57) bawat araw upang tayo ay mapabago araw-araw (umaga kada umaga) sa pagiging napapakain ng sariwang panustos ng pagkabuhay na muling buhay (2 Cor. 4:16). Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbabasa-dalangin ng Salita at pagbabasa ng ministeryo na nagbubukas sa Salita. Pangalawa, dapat nating inumin araw-araw ang saro ng pagpapala, ang saro ng kaligtasan, nang patuloy sa buong araw (1 Cor. 10:16; Awit 116:12-14, 17) sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan ng Panginoon (nakikipag-usap sa Panginoon, pinasasalamatan ang Panginoon, at pinupuri ang Panginoon). Pangatlo, dapat nating kunin sa bawat araw ang patuloy at palaging paglilinis ng dugo ng Panginoon sa buong araw (1 Juan 1:7, 9) sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ating mga kasalanan.
Pagdalo sa Pagpupulong ng Pagpipira-piraso ng Tinapay sa isang Nabawing Paraan
Dapat tayong dumalo sa pagpupulong ng hapag ng Panginoon sa isang nabawing paraan: dumalo na may pag-ibig sa pagpupulong (Awit 84:1-2; 122:1), dumalo sa kabaguhan ng buhay at ng espiritu (Roma 6:4; 7:6), dumalo na may tinig ng kagalakan at papuri (Awit 42:4; 126:3; 149:5), dumalo na may pasasalamat at papuri (Awit 100:4; Ezra 3:11), dumalo na may naensayong espiritu (Efe. 5:18), at dumalo na may ilang handog (Awit 96:8; 1 Cor. 16:2). Sa pisikal kailangan nating maging nasa oras at nakabihis nang maayos, kahit pa ang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay ay ginaganap sa loob mismo ng ating sariling tahanan.
Mga Salita ng Babala at Paghihikayat
Sa 1 Corinto 5, 10 at 11, nagbigay rin si apostol Pablo ng mangilan-ngilang babala ukol sa di-wastong pagkain sa hapag ng Panginoon.
Hindi Magkaroon ng Kinalaman sa Imoralidad at Pagsamba sa Diyos-diyosan
Sa 1 Corinto 5, nagbigay-babala si Pablo laban sa di-maitatagong imoralidad sa ekklesia at sa gayong nagkakasalang tao na maalis mula sa salamuha ng ekklesia. Sa mga kapitulo 10 at 11, binalaan niya ang mga mananampalatayang taga-Corinto hinggil sa bagay ng pagsamba sa diyos-diyosan, na kinapapalooban ng pagkain ng mga pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan (10:9) at katumbas ng pakikipagsalamuha sa mga demonyo (b. 20). Kaya, sa pagdalo sa pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, nais nating siguraduhing hindi tayo nagkakasala kay Kristo bilang Ulo sa anumang paraan.
Hindi Magkaroon ng Kinalaman sa Pagkakabaha-bahagi
Nagbigay si Pablo ng mas matindi pang babala sa kapitulo 11 laban sa mga yaong nakikibahagi sa tinapay at saro ng Panginoon na “hindi sa lalong ikabubuti kundi sa lalong ikasasama” (b. 17). Tinukoy niya rin na gumagawa ang ilan sa kanila ng pagkakabaha-bahagi sa Katawan (b. 18). Pinagtibay niya yaong mga “aprobado”, yaong mga hindi mapagbaha-bahagi, kumpara sa mga yaong nasa “pagkakabukod-bukod” (b. 19), tumutukoy sa mga yaong gumagawa ng pagkakabaha-bahagi.
Matindi siyang nagwika na “ang sinumang kumain ng tinapay at uminom sa saro ng Panginoon na di-nararapat ay magkakasala sa katawan at sa dugo ng Panginoon” (b. 27). Inatasan niya ang lahat ng dumudulog sa hapag ng Panginoon na “siyasatin ang kanyang sarili” (b. 28), sapagkat “ang kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng kahatulan sa kanyang sarili kung hindi niya kinikilala ang katawan” (b. 29). Ang hindi kilalanin ang katawan ay ang mabigong pahalagahan ang kahalagahan ng tinapay na kinakain natin sa hapag ng Panginoon, at ang kainin ito nang basta-basta. Ang resulta ay paghahatol at kawalan para sa gayong mananampalataya, na maaari siyang manghina at magkasakit, o makatulog pa nga, na nangangahulugang mamatay (b. 30).
Sa tuwing nakikilahok tayo sa hapag ng Panginoon, kailangan nating kilalanin kung ang tinapay ba sa hapag ay sumasagisag sa kaisahan ng Katawan ni Kristo na pinagsisikapan nating ingatan o anumang pagkakabaha-bahagi ng tao. Sa pagkilala sa Katawan ni Kristo, hindi dapat natin kainin ang tinapay sa anumang pagkakabaha-bahagi o nang may mapagbahaging espiritu. Ang pakikilahok natin sa hapag ng Panginoon ay nasa loob dapat ng namumukod-tanging salamuha ng Kanyang namumukod-tanging Katawan nang walang anumang pagkakabaha-bahagi sa pagsasagawa o sa espiritu [tb. 1 Cor. 11:293]. Dahil ang hapag ng Panginoon ay isang patotoo ng kaisahan ng Katawan ni Kristo, anumang pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay, gaano man kalaki o saan man ginaganap ito, ay dapat isinasagawa sa loob ng salamuha ng Katawan na may koordinasyon sa mga matanda sa ekklesia-lokal.
Pagpalain nawa ng Panginoon ang lahat ng ekklesia sa mga sumusubok na panahong ito, at dalhin tayong lahat sa tunay na kahalagahan at realidad ng pagsasagawa ng mga pagpupulong ng pagpipira-piraso ng tinapay sa ating buhay-ekklesia sa bawat lokalidad. Magpatuloy tayong matibay sa pagpipira-piraso ng tinapay (Gawa 2:42), at gawin natin ito sa pamamagitan ng pagpipista na may tinapay na walang lebadura ng katapatan at katotohanan (1 Cor. 5:8).
(Isang Salita ng salamuha mula sa mga Kamanggagawa sa Pilipinas)