Manila, Philippines
Abril 8, 2020
Sa mabilis na pagtaas ng bilang ng namamatay sa pandemikong COVID-19 at sa mabilis na paglaganap ng nakaaalarmang balita nito, lalong nagiging walang-kasiguraduhan at lalong nagiging mapanglaw ang buhay sa bawat araw. Ang buong mundo ay nasa ilalim ng pagsalakay, hindi malaman ang kasunod na mangyayari. Tila mapanglaw ang kinabukasan habang nalulugmok sa kabalisahan ang mga tao. Damang-dama na ang pagkatakot sa isang bagay na di mo alam kung ano. Gayunpaman, sa halip na madaig ng pagkabalisa at kawalang-kapahingahan, bilang mga Kristiyano ay makapananaig tayo sa lahat ng nakapanghihina ng loob na emosyon at nakatitigatig na kaisipan sa pamamagitan ng panalangin. Tinawag tayo ng Diyos tungo sa kapayapaan (Col. 3:15) at nangako sa atin ng kapayapaan (Juan 14:27). Nalalamang iniingatan ng ating Diyos ang Kanyang tipan at kabutihang-loob hanggang sa sanlibong salinlahi (Deut. 7:9), naniniwala tayong ang tapat na Diyos ng kapayapaan Mismo (Roma 15:33; Fil. 4:9), ang Siya Mismong tutupad dito (1 Tes 5:24).
Habang nag-aalangan ang mga makasanlibutang tao, sa pamamagitan ng panalangin ay patuloy tayong makapagpapahinga sa ating Diyos na siyang ating kublihan at kalakasan (Awit 46:1). Alam nating habang hinahatulan ng Diyos ang di-makadiyos na sanlibutan, nakikilala Niya ang sa Kanya, at kayang panatilihin silang ligtas (Juan 10:27-29), tulad ng kung paanong hinatulan Niya ang mga Ehipcio subalit pinrotektahan ang mga Israelita sa Goshen. Tinutukoy ang pangyayari sa Exodo 7:8-14, nagkomento si Kapatid Witness Lee, “Sa ikalawang pangkat ng mga salot ay dalawang bagay ang nakakikintal. Ang una ay hindi nakaapekto ang mga salot na ito sa lupain ng Goshen, sapagkat nasa ilalim ng pagtutubos ng Panginoon ang mga anak ni Israel. Ang ikalawa ay walang nagawa ang mga mahikerong Ehipcio sa mga salot na ito…. ang mga pangkasalukuyang ‘mahikero’…ng sanlibutan ay hindi makapagliligtas ng mga tao mula mga langaw, salot, o mga bukol…. Tanging ang pagliligtas ng Diyos ang makapagliligtas sa mga tao mula rito.” (Life-study of Exodus, Chapter 18)
Ang Pangako ng Diyos sa Lumang Tipan
Ang mga nakamamatay na salot na naitala sa Biblia ay pawang isinugo o pinahintulutan ng Diyos upang parusahan ang mga tao dahil sa kanilang kasalanan (Exo. 9:3-6; Bilang 14:11-12, 37; 16:49; 25:9; 1 Cron. 21:14). Gayunpaman, nakapagpapalakas-loob na malamang ang intensiyon ng Diyos ay hindi ang parusahan ang mga tao upang magdusa sila, kundi ang sanhiin silang magsisi mula sa kanilang mga kasalanan at manumbalik sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin.
Isang malinaw na patunay ay ang salita ni Jehovah kay Haring Solomon, “Kung ako’y magsugo ng salot sa gitna ng Aking bayan; Kung ang Aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng Aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang Aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; Akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad Ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin Ko ang kanilang lupain. Ngayo’y ang Aking mga mata ay didilat, at ang Aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.” (2 Cron. 7:13b-15). Ang parehong pangako ay ibinigay ni Jehovah sa pamamagitan ng propetang si Jeremias: “Inyong idalangin kay Jehovah: sapagka’t sa kapayapaan niyaon ay magkakaroon naman kayo ng kapayapaan…. At kayo’y magsisitawag sa Akin, at kayo’y magsisiyaon at magsisidalangin sa Akin, at aking didinggin kayo. At inyong hahanapin Ako, at masusumpungan Ako, pagka inyong sisiyasatin Ako ng inyong buong puso” (Jer. 29:7b, 12-13).
Ang Pangako ng Diyos sa Bagong Tipan
Maraming pagtuturo at paghihikayat ang Bagong Tipan na manalangin ang mga mananampalataya, lalo na sa mahirap at mapanganib na panahon. Sa apat na Ebanghelyo, inaatasan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo na “magbantay at manalangin” (Mat. 21:41a) at ipinangako sa kanilang “Kung kayo ay magsisihingi ng anuman sa Akin sa loob ng Aking pangalan, gagawin Ko ito” (Juan 14:14) kasama ng “anumang hilingin ninyo sa panalangin, na nananampalataya, ay inyong tatanggapin” (Mat. 21:22). Hinikayat ni apostol Pedro ang mga mananampalataya na “ilagak sa Kanya ang lahat ng ating kabalisahan” (1 Pet. 5:7a). Sinabi ni apostol Pablo, “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay, sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos” (Fil. 4:6). Sinabi ni apostol Santiago na “ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa isa na may sakit, at ibabangon siya ng Panginoon…” (Sant. 5:15a). Sa huli, tinitiyak sa atin ni apostol Juan, “Ito ang lakas ng loob na nasa atin tungo sa Kanya, na kung tayo ay humihingi ng anumang bagay na ayon sa Kanyang kalooban, tayo ay dinirinig Niya. At kung ating nalalaman na tayo ay dinirinig Niya sa anumang ating hingin, ating nalalaman na nasa atin ang mga kahilingang ating hinihingi sa Kanya.” (1 Juan 5:14-15). Walang pag-aalinlangan, “Yamang ang Diyos ang nagnanais na manalangin tayo, kailangan Niyang sagutin ang ating panalangin” (Mat. 7:7). (W. Lee, New Life Lessons, Vol. 1, Chapter 5)
Panalangin, Daing, at Pamamagitan
Inilalarawan ng Unang Timoteo 2:1 at Efeso 6:18 ang tatlong uri ng panalanging kinakailangan upang “magkaroon ng wasto at nananaig na buhay-ekklesia” (Efe. 6:18 tb. 2), yaon ay, panalangin, daing, at pamamagitan. Ang panalangin ay pangkalahatan, na may pagsamba at pakikipagsalamuha bilang esensiya nito; ang daing ay espesyal, pagiging para sa partikular na pangangailangan (Fil. 4:6 tb. 2). Ang pamamagitan ay tumutukoy sa isang paglapit sa Diyos sa isang personal at nagtatapat na paraan, yaon ay, pagmalasakitan ang iba sa harap ng Diyos, mamagitan para sa kanilang kapakanan (1 Tim. 2:1 tb. 2).
Kailangan nating matanto na ang panalangin ay hindi lamang para sa gawain, kundi ang panalangin mismo ang gawain. Ang isang ministeryo ng panalangin ay ang pangunahing kahilingan para sa pangangasiwa at pangangalaga ng isang ekklesia-lokal (1 Tim. 2:1 tb. 1). Ang ating buhay-ekklesia ay dapat maging yaong punô ng panalangin at pamamagitan sa karaniwang panahon, at lalo pa sa panahon ng krisis. Ang ating Panginoon, na siyang ating Mataas na Saserdote, ang mismong nagtakda ng pagsasagawa at halimbawa ng isang tapat at walangkapagurang Tagapamagitan (Heb. 7:25-26). Pinangangalagaan ni Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ang ating mga kaso sa pamamagitan ng Kanyang pamamagitan para sa atin. Humaharap Siya sa Diyos para sa atin at nananalangin para sa atin nang sa gayon ay maligtas tayo at lubos na madala tungo sa walang hanggang layunin ng Diyos (Heb. 7:25 tb. 2). Siya bilang ang naibangong Panginoon ay namamagitan sa kalangitan (Roma 8:34), at bilang ang nananahanang Espiritu ay namamagitan para sa atin sa loob natin dito sa lupa (8:26). Naihugpong sa ating Mataas na Saserdote, bawat isa sa atin ay saserdote sa pang-indibidwal (Isa. 61:6; 1 Ped. 2:5, 9; Apoc. 20:6), at magkakasama tayo, bilang ekklesia, ay ang kaharian ng mga saserdote sa isang sama-samang paraan (Exo. 19:6; Apoc. 1:6; 5:10). Ang pamamagitan ng mga mananampalataya ay itinuturing na “sama-samang paglilingkod sa loob ng koordinasyon” (1 Ped. 2:5 tb.7).
Mga Halimbawa at Saklaw ng Pamamagitan
Sa Biblia, makikita natin ang ilang pagkakataon kung paanong nailayo sa pamamagitan ng pamamagitan ang isang nagbabantang salot na paparating sa bayan ng Diyos. Noong nagpadala si Jehovah ng isang salot sa mga Israelita dahil sa pagrerebelde ni Korah at ng kanyang mga kasama, ang pamamagitan ni Moises ay “tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buhay, at ang salot ay tumigil” (Bil. 16:46-48). Gayundin, nanalangin si Haring Solomon para sa bayan ng Israel, na mailigtas sila mula sa anumang salot dahil sa kanilang mga kasalanan (2 Cron. 6:28-30). Si Daniel ay namagitan para sa bayan at kinilala ng Diyos bilang “lalaking minamahal na mainam” (Dan. 9:1-23; 10:11-19).
Ang panalangin ng pamamagitan ay kapwa karapatan at responsabilidad ng isang mananampalataya. Ang saklaw ng pamamagitan ay hindi nalilimitahan sa ating pamilya at kamaganak; hinihikayat tayong mamagitan para sa lahat ng banal (Efe. 6:18; Col. 1:9; 1 Tes. 1:2; 2 Tes. 1:11; 2 Tim. 1: 3; Rom. 1:9; 8:27), lalo na para sa mga tagapaglingkod ng Diyos (1 Tes. 5:25; Gawa 12:5b; Efe. 6:19). Pinalalawak natin ang saklaw ng ating mga panalangin upang isama din ang lahat ng tao (1 Tim. 2:1) at ang gobyerno — ang iba’t iba nitong ahensiya sa pangkalahatan at ang mga pinuno sa partikular (Ezra 6:10; 1 Hari 13:6; 2 Hari 20:1-5), nang sa gayon “tayo ay makapamuhay nang panatag at tahimik sa loob ng buong pagka-makadiyos at kahinahunan ng pagiging kagalang-galang” (1 Tim. 2:2).
Ang Pangangailangang Magtiyaga sa Pananalangin
Sa kanyang liham sa mga mananampalatayang taga-Efeso, hindi lamang binigyang-diin ni apostol Pablo ang pangangailangan para sa panalangin, daing, at pamamagitan, bagkus binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagtitiyaga sa pananalangin. Sinabi niya, “Sa pamamagitan ng lahat ng panalangin at daing, nananalangin sa bawa’t panahon sa espiritu at nangagpupuyat tungo dito sa buong katiyagaan at daing patungkol sa lahat ng mga banal” (6:18). “Inaatasan tayo ni Pablo na manalangin sa bawat panahon (b. 18) at magtiyaga din sa pananalangin (Col. 4:2). Kung nais nating matamasa ang salita at mataglay ang Espiritu na may pananampalataya, dapat tayong manalangin sa pamamagitan ng pag-eensayo ng ating espiritu” (The Secret of Experiencing Christ, Chapter 11). Higit pa rito, kailangan nating maging mapagbantay, alerto, sa pagpapanatili ng buhay-panalangin na ito (Efe. 6:18 tb.4).
Sa kapitulo 14 ng aklat na Perfecting Training, ipinaliwanag ni Kapatid Lee,
“Ang magbantay tungo rito sa buong katiyagaan ay nangangahulugang hindi lamang isang uri ng pagtitiyaga bagkus lahat ng uri ng patitiyaga. Kailangan mong magpursigi; kailangan mong magpumilit sa sukdulan. Nagpapahiwatig ito na maaaring may humihila sa iyo, pumipigil sa iyo, sumusupil, sumisiil, nagpapahinang-loob, at humahadlang sa iyo. Kaya, kailangan mong magtiyaga; kailangan mong magpursigi, kailangan mong magpumilit; hindi ka susuko.”
Bilang karagdagan,
“Ang Colosas, isang aklat hinggil kay Kristo, ay may isang pangwakas na pagaatas din. Mababasa sa Colosas 4:2, ‘Mangagtiyaga kayo sa pananalangin, na nagbabantay sa loob nito nang may pasasalamat.’ Sa pangatlong pagkakataon ang dalawang salitang ito na magbantay at manalangin ay pinagsama sa Biblia. Nabanggit din ng Panginoon ang mga ito sa Marcos 13:33 at Lucas 21:36. Inulit ito ni Pablo…nangangahulungang…kailangan mong magtiyaga sa pananalangin. Huwag mong hayaan ang sarili mong magapi ng anuman. Huwag kang masupil, masiil, o mapanghinaan ng loob ng anuman. Huwag kang magambala o mapigil o mahadlangan ng anuman. Kailangan mong maging matiyaga. Kaya, sinasabi ni Pablo na magtiyaga sa pananalangin.”
(W. Lee, Perfecting Training, Chapter 14)
Higit pa rito,
“upang makipaglaban sa panig ng Diyos laban kay Satanas, kailangan nating magtiyaga sa pananalangin (Dan. 6:10). Kailangan nating magtiyaga sa pananalangin dahil ang panalangin ay kinapapalooban ng pakikipagdigma, pakikipaglaban. Kailangan nating manatili sa atmospera ng panalangin sa pamamagitan ng patuloy na pag-eensayo ng ating espiritu (1 Tim. 4:7). Kailangan nating manalagin nang walang patid, magtiyaga sa pananalangin, panatilihin ang ating sariling matalik na nakaugnay sa Panginoon…. Ang manalangin ay ang sumalungat sa agos, sa kalakaran, na nasa natisod na sansinukob. Ang pagtitiyaga sa pananalangin ay tulad ng pagsagwan ng bangka salungat sa agos. Kung hindi ka magtitiyaga, madadala ka pababa ng agos.”
(W. Lee, Life-study of Colossians, message 65, and outline of Crystallization-study of Colossians)
“Bukod sa mga kagalingang kailangan natin tungo sa iba, sinasabi rin ng Roma 12 ang tungkol sa mga kagalingang kailangan natin tungo sa ating sarili. Sinasabi ng bersikulo 12, ‘Nagagalak sa pag-asa; nagtitiis sa kapighatian; nagtitiyaga sa panalangin….Sa panahon ng kaguluhan ay dapat at kaya nating magalak sa pag-asa. Sa pamamagitan ng paggagalak sa pag-asa, matitiis natin ang anumang uri ng kapighatian. Gayunpaman, upang matiis ang kapighatian, kailangan din nating magtiyaga sa pananalangin. Ang pagtitiyaga sa pananalangin ay nagbibigaykakayahan sa atin na hindi lamang matiis ang kapighatian bagkus ang manatili sa pagtatamasa sa Panginoon, sa Kanyang presensiya, at sa Kanyang kalooban.”
(W. Lee, Truth Lessons, Level 3, Vol. 4, Chapter 10)
Mga Halimbawa ng Pagtitiyaga sa Pananalangin
Ang salitang magtiyaga ay nangangahulugang magpatuloy nang mapagpursigi, matatag, at masikap (tb. Col. 4:21). Sa Genesis 18:23-33 ay makikita natin ang pagpupursigi ni Abraham sa kanyang maluwalhating pamamagitan para sa kanyang talunang pamangking si Lot, na humipo sa puso ni Jehovah sa paghahayag ng Kanyang nais at pagsasagawa ng Kanyang kalooban. Ipinaliwanag ni Kapatid Lee,
“Ang unang malinaw na banggit ng pamamagitan sa Biblia ay sa Genesis 18, kung saan makikita nating si Abraham ang unang tagapamagitan….Ang pamamagitan ay isang dakilang bagay sa Biblia. Kung wala ito, hindi maisasakatuparan ang ekonomiya ng Diyos. Ang ekselenteng ministeryo ni Kristo ngayon bilang ating makahari at dibinong Mataas na Saserdote ay isang ministeryo ng pamamagitan. Sinasabi sa atin kapwa ng Roma 8:34 at Hebreo 7:25 na namamagitan para sa atin si Kristo.”
(W. Lee, Life-study of Genesis, Message 51)
Gayundin, ipinakikita sa atin ng Lucas 18 ang isang klasikong talinghaga ng pagtuturo ng Panginoon hinggil sa mapursiging panalangin (bb. 1-8), kung saan ang balo (na sumasagisag sa mga mananampalataya sa kasalukuyang panahon) ay mapursiging nagmakaawa sa di-matuwid na hukom (na sumasagisag sa Panginoon) na ipagtanggol siya sa kanyang kalaban (na sumasagisag kay Satanas). Ang panalangin ng balo ay sinagot dahil sa kanyang mapursiging panalangin ng pananampalataya (b. 8).
Sa kapitulo isa ng aklat na New Believer’s Series (11) hinggil sa Panalangin, itinuturo ni Kapatid Watchman Nee,
“Isa pang punto tungkol sa panalangin na humihiling ng atensyon ay ang kailangan nating magtiyaga sa pananalangin at kailanman ay huwag humintong manalangin. Sinasabi ng Lucas 18:1, ‘Sila ay dapat manalangin lagi at huwag panghinaan ng loob.’ Ang ilang panalangin ang humihiling ng pagtitiyaga. Kailangang manalangin ng isa sa puntong tila nakapapagod na sa Panginoon ang panalangin at napipilitan Siyang sumagot. Ito ay isa pang uri ng pananampalataya…Sinasabi ng Lucas 18 na kailangan nating humiling nang muli’t muli. Kailangan nating magkaroon ng pananampalatayang manalangin nang matiyaga sa Panginoon hanggang isang araw ay mapilitan Siya na sagutin ang ating panalangin. Hindi dapat natin alalahanin kung may pangako ba o wala. Dapat lamang tayong manalangin hanggang mapilitan ang Diyos na sumagot.”
Ang Ating Buhay-ekklesia ng Pagtitiyaga sa Panalangin
Habang ang kasalukuyang pandemikong COVID-19 ay nagpapatuloy na wasakin ang buhay at pamumuhay ng mga tao sa buong mundo, naduduwag sa pangamba at takot ang mga taong walang diyos. Walang kasiguraduhan sa kung kailan matatapos ang pandemiko. Sa pisikal, sa mental, at sa emosyonal ay may matinding pagbabago sa pamumuhay at kapaligiran na kailangang pakibagayan ngayon ng sangkatauhan. Subalit salamat sa Panginoon, may bukás tayong linya na may di-nalilimitahang koneksiyon sa ating Diyos sa pamamagitan ng panalangin upang positibong makaraos sa mga pagbabagong ito. “Kailangan nating manalangin upang yanigin ang kapaligiran…. Hindi dapat tayo maniwala sa kapaligiran. Sa halip, kailangan nating maniwala sa ating panalangin na mabago ang kapaligiran.” (W. Lee, The Practical and Organic Building Up of the Church, chapter 9).
Sa pagpapatupad ng utos ng Presidente sa enhanced community quarantine, ang militar ng bansa ay pinatawag upang maglingkod sa front line para sa layuning ito. Sa gayunding paraan, bilang mga nakikipaglabang saserdote sa ekonomiya ng Diyos, tayong lahat ay dapat bumangon sa ganitong pagkakataon sa panahong ito na gampanan ang ating tungkulin at pangsyon sa pagsusunog ng insenso, na sumasagisag sa ating panalangin para sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Maisasagawa ng ating panalangin ang Kanyang kalooban at pampamahalaang administrasyon kung paano sa langit, gayon din sa lupa (Mat. 6:10). Naghihitay lamang ang Diyos sa ating mga panalangin (Ezek. 36:37; Isa. 45:11) upang maisagawa Niya ang nais Niyang gawin sa lupa (Mat. 18:18-20) sa Kanyang panahon ayon sa Kanyang paraan.
Kung paanong ang sanlibutan sa paligid natin ay naisarang mabuti (locked down), ang ating buhay-ekklesia ay hindi naisara, at ang ating buhay-panalangin ay hindi napahinto o napabagal. Pagpagin natin ang lahat ng uri ng pagka-pasibo (passivity) upang maging malakas at umaksiyon, sa pamamagitan ng pagiging napalakas sa ating buhay-panalangin. Kung may isang bagay na kailangan nating matutuhan mula sa Covid-19 na krisis na ito, iyon ay ang matutuhan natin na wala tayong kontrol, kundi yaong Panginoon ang Isa na nasa trono, at palagi at patuloy tayong makadudulog sa Kanya upang manalangin, dumaing, at mamagitan, nang may pagpapasalamat (Fil. 4:6).
Isagawa nating manalangin nang indibidwal at sama-sama kasama ang mga banal nang online, sa pamamagitan ng pagbubukod ng di-bababa sa labing-limang (15) minuto para sa pang-araw-araw na indibidwal na pananalangin, at isa pang pinagsama-samang tatlumpung (30) minuto para sa lingguhang sama-samang pananalangin kasama ng mga banal. Sa gitna ng lagim na dala ng pandemiko, nagbabantay at naghihintay si Jehovah na ating Diyos para sa ating mga matiyagang pananalangin na maging katulad ng kay Moises (Awit 106:23), upang “humarap sa Kaniya sa bitak alang-alang sa lupain nang sa gayon ay hindi Niya ito sirain.” Makikita natin sa Ezekiel ang pagkasalanta sapagkat walang nasumpungan si Jehovah (Ezek. 22:30). Sa ating kapanahunan at panahon ngayon nawa ay masumpungan Niya tayo bilang mga taong naaayon sa Kanyang puso, bilang mga yaong magtitiyaga sa panalangin upang isalita ang nasa puso Niya para sa pagsasagawa ng Kanyang ganap na kalooban.
Kahit ang social-distancing at mga lockdown ay hindi makapagpapahinto sa ating mga grupo ng panalangin at buhay-ekklesia. Ang nararanasan nating home quarantine ngayon ay hindi naman talaga bago sa atin. Sa Lumang Tipan, sinabi ni Jehovah sa Kanyang bayan, “Ikaw ay parito, bayan Ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo; magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas; Sapagka’t, narito, si Jehovah ay lumalabas mula sa Kanyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan” (Isa. 26:20-21a). Maaaring nakakulong tayo sa ating mga tahanan at nalilimitahan sa pisikal na pakikipagpulong sa mga banal, subalit, tulad ng mga mananampalataya ng sinaunang buhay-ekklesia, makapagpapatuloy pa rin tayo nang matibay sa isang puso’t kaisipan (Gawa 1:14). Sa pamamagitan ng paggamit ng ating mga mobile phones at mga online meeting platforms, hindi pa kailanman ganitong higit na nakakamit at naisasagawa ang pagtitiyaga sa pananalangin. Maging alisto nawa tayong lahat sa espiritu tulad ng isang tagapagbantay (Isa. 62:6-7) at magtiyaga sa ating mga panalangin sa mga panahong ito ng pagsubok, nalalamang si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa lalong madaling panahon sa ilalim ng ating mga paa (Roma 16:20). Tayo ay mangagalak lagi; magsipanalangin kayo nang walang patid; sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka’t ito ang kalooban ng Diyos kay Kristo Hesus para sa inyo” (1 Tes. 5:16-18).
Mga Kamanggagawa sa Pilipinas