Manila, Philippines
Marso 31, 2020
Sinasabi sa atin ng Efeso 5:15-18: “Mag-ingat nga kayo kung paano kayo lumalakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marunong. Na inyong tubusin ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama. Kaya, huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. At huwag kayong magsipaglasing sa alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo ay mapuspos sa espiritu.” Isa itong napapanahong salita para sa ating lahat habang ang buong mundo ay nakikibagay sa bagong pagsasaayos at nalilimitahang ayos ng pamumuhay sa lockdown na ipinatupad dito at sa iba pang bansa dahil sa pagkalat ng COVID-19 sa buong mundo. Habang ang ating mga telepono at gadgets ay abalang-abala sa pagtunog, madalas hinggil sa masamang balita tungkol sa tila ay hindi matatakasang pandemic na patuloy na tumatakot sa puso at isip ng mga tao saanman, bilang Kanyang bayan maaari tayong manatiling matatag at di-natitinag dahil tayo ay makakalakad bilang marurunong sa pamamagitan ng pag-unawa sa kung ano ang kalooban ng Panginoon. Natatanto natin na ang ugat ng mga suliraning ito ay hindi sa labas, kundi nasa loob ng tao (Marc. 7:15; Kaw. 4:23).
Sa umpisa ng pinalawak na quarantine, ang mga naiinip na tao ay walang ginagawa sa kanilang tahanan, nagpapatuloy nang walang layunin. Salungat sa mga di-marunong, kailangang matanto nating mga mananampalataya na dahil ang mga araw ay masama, ito ang pinakamainam na panahon na tubusin natin ang ating panahon. Tinutubos natin ang ating panahon sa pamamagitan ng pag-unawa sa kung ano ang kalooban ng Panginoon, sa pamamagitan ng paglapit sa mga Kasulatan at sa salita ng ministeryo.
Nauunawaan ang Kalooban ng Panginoon sa Pamamagitan ng Paglapit sa Salita
Upang maunawaan kung ano ang kalooban ng Panginoon, kailangan natin ang Kanyang salita. Ang ating Diyos ay Diyos ng pahayag (Deut. 29:29), at inihahayag Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang pagsasalita (Heb. 1:1). Hindi nais ng Diyos na manatiling isang hiwaga. Inihayag Niya ang Kanyang sarili, ang Kanyang mabuting kaluguran, Kanyang intensiyon, Kanyang kalooban, Kanyang plano, at Kanyang nais sa pamamagitan ng nakasulat na salita. Walang suliranin sa panig ng Diyos, ngunit sa panig ng tao, dapat magkaroon ng pagiging laan, kahandaan at pagkasabik na tanggapin ang Kanyang pagsasalita (Gawa 17:11). Ang mga di-mananampalataya ay mangmang na lumalakad sa lupa sa kawalang-kabuluhan ng kanilang kaisipan (Efe. 4:17) yamang hindi nila alam ang kalooban ng Diyos, dahil hindi nila alam ang salita ng Diyos. Nakalulungkot, kahit tayong mga mananampalataya ay maaaring kapos sa Salita na ibinigay na sa atin ng Diyos, pangunahin ay dahil sa pinapabayaan natin ito. Mabuksan nawa ang ating mga mata na makita kung gaano kadakilang pribilehiyo na matanggap natin ang pagsasalita ng Diyos. Tulad ng paghihikayat ni Kapatid Witness Lee sa atin:
“Ang tubusin ang panahon ay nangangahulugang kunin ang bawat pagkakataon, at ang paraan upang tubusin ang panahon ay hindi ang karaniwang pagtawag sa telepono, hindi ang makipagtsismisan, at hindi mag-aksaya ng panahon. Sa halip, kailangan nating magtipid ng oras upang matutuhan ang katotohanan.”
(Truth, Life, the Church, and the Gospel—The Four Great Pillars in the Lord’s Recovery, Chapter 5)
Ang Salita ng Katotohanan na Nagiging Ating Matibay na Pundasyon
Ang pagbabawi ng Panginoon ay isang pagbabawi ng mga katotohanan sa Kasulatan na naiwala sa mga kapanahunan. Sa buong itinagal ng kasaysayan, ang pagbaba sa loob ng ekklesia ay palaging dahil sa paglihis mula sa Salita, dahil ang bayan ng Diyos ay may kakaunti, di-kumpleto, o walang kaalaman sa salita ng Diyos. Pinupuri natin ang Panginoon na sa mga ekklesia ngayon, hindi lamang natin taglay ang bukás na Salita, bagkus ang naipaliwanag na Salita rin. Nasobrahan sa kanilang kawalan ng kakayahan na mamuhay ng buhay na kanilang nakasanayan o ninanais, ang mga makasanlibutang tao ay nadala sa iba’t ibang direksiyon sa pamamagitan ng bawat nakakaalarmang mga balita. Tayo, gayunpaman, ay makapagpapatuloy na mamuhay sa loob ng kapayapaan at kagalakan na nasangkapan ng pananalig at pananampalataya, dahil mayroon tayong Salita bilang ating angkla at palihan sa mga panahon ng pagsubok upang lubos na matustusan ang ating mga pangangailangan at ang mga pangangailangan ng iba pang nasa paligid natin. Ang Salitang naibubuo tungo sa atin ay nagiging ating solidong pundasyon.
“Ang mga kapatid na laang magbasa ng lahat ng mensahe ng Pag-aaral Pambuhay at pag-aralan ang bawat salita ng Salin sa Pagbabawi ng Bagong Tipan ay magkakaroon ng isang solidong pundasyon. Ang di-maubos na kayamanang ito ay mapapasaloob nila sa buong buhay nila.”
(Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church, Chapter 14)
Pagiging Nalalinan at Natigmakan ng Buháy na Salita
Ang Salita ay ang paghinga ng Diyos tungo sa atin (2 Tim. 3:16-17). Ito ay isang ilawan sa ating mga paa at liwanag sa ating landas (Awit 119:105). Ito ay buháy at kumikilos (Heb. 4:12), at maaaring maitanim tungo sa atin (Sant. 1:21-22). Sa ating pagdinig sa salita ng Panginoon at pagtalima dito, tayo ay tulad ng isang tao na nagtatayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato (Mat. 7:24). Sa panahon ng pagtalikod sa katotohanan at kapighatian, maaari nating tanganan ang salita ng buhay (Fil. 2:16), dahil kumikilos ito sa mga yaong kinukuha ito sa pamamagitan ng pananampalataya (1 Tes. 2:13). Pinalalakas tayo ng Salita (Awit 119:28) at pinupuksa ang Kanyang kaaway (2 Tes. 2:8).
Sinasabi sa atin sa Colosas 3:16 na “Hayaan ang salita ni Kristo na manahang sagana sa atin, sa buong karunungan.” Nangangahulugan ito na ang Biblia ay hindi lamang isang aklat, kundi isang buháy na Persona. Ang Salita ay buháy at naisakatawan. Lalo tayong lumalapit sa naisulat na salita, lalo nating matataglay si Kristo bilang ang buháy na Salita. Lalo nating tinatamasa at nararanasan si Kristo bilang ang buháy na Salita, lalo nating natatanto ang ating pangangailangan na lumapit sa nakasulat na salita. Habang tayo ay nabubuuan ng mga katotohanan sa nakasulat na salita, ang logos ay maaaring maging rhema, at ang nakasulat na salita ay nagiging ang buháy na Salita na gumagawa sa loob natin.
Kaya, sa kabila ng mga pumipigil na hamon at mga paghihirap sa ating kapaligiran, sa pamamagitan ng pagiging nabuuan ng Salita, maaari tayong manatiling nakatuon sa intensiyon at gol ng Diyos dahil sa pamamagitan nito nalalaman natin ang Kanyang di-nahahadlangang kalooban at di-nagbabagong plano. Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng Kanyang kalooban ayon sa Kanyang mabuting kaluguran, upang tungo sa ekonomiya ng kaganapan ng mga panahon, ipasasailalm Niya sa isang ulo ang lahat ng bagay kay Kristo (Efe. 1:10). Nais ng Diyos na ang nagpapaloob ng lahat at sumasaklaw sa lahat na Kristo ay hindi lamang maging ilang bagay sa atin, bagkus Siya ay maging lahat-lahat sa atin, upang makilala natin Siya nang subhektibo, malalinan, matigmakan, at malaganapan Niya, nang sa gayon ay mahalinhan Niya ang bawat elemento ng ating natural na buhay at kultura ng Kanyang sarili. Habang tayo ay nahuhubaran ng mga gayak ng pansariling pagpapasasa, maipamumuhay natin kung gayon si Kristo para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo at pagbubunga ng isang Bagong Tao sa lupa ngayon. Tanggihan nating mamuhay ng isang buhay na walang kabuluhan, at habulin ang salita ng Diyos hindi lamang para sa ating pansariling pangangailangan, bagkus may isang pangitain ng layunin ng Diyos sa loob natin na magbunga sa pansama-samang Bagong Tao.
Paghahabol sa Salita sa Panahon ng Home Quarantine
Nagpapasalamat tayo sa Panginoon sa pagbibigay sa atin ng 30-araw na home quarantine na ito, kung saan makagugugol tayo ng mas maraming oras kasama ang Panginoon sa Kanyang salita. Sa paghahabol sa Salita ng Diyos, hindi tayo maaaring magpakatamad, magpakapasibo, walang pakialam at pabaya. Sa pag-eensayo natin sa paglapit sa Salita sa panahong ito, kailangan nating maging pokus at maging praktikal sa ating paghahabol.
Una, kailangan natin magkaroon ng kapasyahan. Ang pagpasok sa katotohanan ay kinapapalooban ng isang desisyon. Hindi pinipilit ng Diyos ang tao. Walang makagagawa nito para sa atin. Hubarin natin ang pagiging pasibo at mga makamundong pagkagambala na naglihis sa mga plano nating maghabol sa Salita sa nakaraan. Magkaroon tayo ng kapasyahan sa harap ng Panginoon para sa panahon ng lockdown na ito, tulad ng itinuro sa atin ni Kapatid Lee:
“Kailangan nating magkaroon ng kapasyahang matutuhan ang katotohanan. Hindi natin dapat sabihin, “Walang saysay ang magkaroon ng kapasyahan.”…Tutulungan tayo ng Panginoon na nabubuhay sa loob natin. Nakadepende ang lahat sa kung laan ba tayong matuto….Sa edad ko ngayon ay alerto at matalas pa rin ako nang walang pagkalito sapagkat taglay ko palagi sa loob ko ang mga salita ng Panginoon; ang Kanyang mga salita sa loob ko ay lahat-lahat sa akin. Masaya ako sa tuwing binabasa ko ang Biblia. Ang pagbabasa ng Biblia ay mainam na gamot para sa pagpapagaling. Ang salita ng Panginoon ay salik ng ating kaligayahan. Kung sasalitain natin ang salita ng Panginoon araw-araw, magiging malusog tayo.
Higit pang kinakailangan na matutuhan ng nakatatandang kapatid ang katotohanan. Kung alam natin ang katotohanan, maituturo natin ito sa ating mga anak at mga apo, at kapag nakatira silang kasama natin, magiging wasto ang ating mga pagkilos at paggawi. Kung ang dila ng isang lolo ay isang panulat ng isang bihasang manunulat (Awit 45:1) at ang tahanan ay punô ng makaiskolar na atmospera, ang mga anak at mga apo na sama-samang naninirahan ay lubhang makikinabang kung magkakaroon sila ng kahit katiting na pakikipag-ugnayan sa lolo. Gayundin, ang pinakapangunahing kahilingan para sa lahat ng kapatid sa ekklesia upang mahayag ang kanilang pangsyon ay ang matutuhan at malaman ang katotohanan. Kung walang edukasyon sa katotohanan, mahirap para sa ating paunlarin o ihayag ang ating pangsyon. Ganito ang problema sa Kristiyanidad ngayon, at isa rin itong malaking kakulangan sa atin.”
(Three Crucial Matters for the Increase and Building Up of the Church, Chapter 14)
Ikalawa, pagkatapos nating magkaroon ng kapasyahan, kailangan nating magkaroon ng plano at ialay ang ating sarili at ating oras sa planong ito. Tumapos ng alinman sa panahong ito—maaaring ang buong Bagong Tipan, o isang aklat ng Pag-aaral Pambuhay, o partikular na mga babasahin ng ministeryo. Taglay ang maraming oras sa ating mga kamay sa mga panahong ito, makapagtatakda tayo ng mas mataas, ngunit maaabot pa rin na mga gol. Ibigay natin sa Panginoon ang ating pagnanais, at Siya ang isa na magbibigay-lakas sa ating gawin ito sa loob Niya (Fil. 4:13).
Ikatlo, kailangan nating maging naisaayos at masigasig sa paghahabol sa Salita. Sinasabi sa atin sa Daniel 11:32b, “Ngunit ang bayan na nakakakilala sa kanilang Diyos ay magiging matibay, at kikilos.” Magsimula tayo ngayon, hindi bukas. Araw-araw ay humingi sa Panginoon ng kaunting kapangyarihan na tuparin ang Kanyang salita (Apoc. 3:8), upang tustusan tayo sa pagsulong sa ating paghahabol.
Ika-apat, nakatutulong ding humanap ng mga makakasama sa paghahabol. Hinihikayat tayo ni Apostol Pablo na maghabol kasama ng mga yaong nagsisitawag sa Panginoon mula sa isang pusong dalisay (2 Tim. 2:22). Madalas, mahirap maghabol nang nag-iisa, kaya ang pagkakaroon ng kasama sa paghahabol sa Salita ay nakatutulong upang maging tuloy-tuloy tayo. Maaari tayong maghikayatan, at ihain sa bawat isa ang kayamanang natamasa natin mula sa Kasulatan o sa mga babasahin ng ministeryo. Kahit malayo man ang mga kasama natin sa atin, madali lamang para sa ating maghabol sa Salita kasama nila sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan ng teknolohiya.
Ikalima, kailangan nating maging desperado sa paghahabol sa Salita. Itinala ni Kapatid Lee mula sa Josue 10:
“Minsang pinahaba ni Josue ang isang araw sa pamamagitan ng pag-uutos sa araw na manatili (Jos. 10:12-13). Ang paraan upang “panatilihin ang araw” ay ang ituring ang isang araw na tila isang buwan. Huwag tapusin sa isang araw ang gawain na pang-isang araw lamang. Kailangan mong tapusin sa isang araw ang gawaing pangtatlumpung araw. Sa ganitong paraan ay gugugol ka ng isang taon na tila ba ito ay tatlumpung taon. Kailangan mong magpursigi, magsumikap, magpunyagi, at magpagal sa paghahanap sa Panginoon, sa pagbabasa ng Biblia, sa pagmamahal sa Panginoon, sa pananalangin, sa pagpupuri, at sa lahat ng bagay.
Gaano ka bang naghahabol sa Panginoon? Kung sasabihin mong hindi gaano o hindi sapat, hindi ka ganoon karunong. Ang pinakamatalinong kabataan ay yaong laging itinuturing ang isang araw na tila ito ay tatlumpu. Seryoso ako sa sinasabi ko. Huwag magsayang ng isang oras o isang minuto sa loob ng pitong taon ng inyong kabataan, lalong-lalo na sa pagmamahal sa Panginoon at paghahanap sa Kanya.
Marahil ay narinig mo na ang tungkol kay Watchman Nee. Noong kabataan niya, ipinasya niyang basahin ang Bagong Tipan nang limampu’t dalawang beses sa loob ng isang taon, yaon ay, minsan sa isang linggo nang tuloy-tuloy sa loob ng isang taon. Sa kalaunan, siya ay naging isang buháy na Bagong Tipan. Nangangahulugan itong itunuring niya ang kanyang isang araw na maraming araw at isang taon na maraming taon. Ibinigay ko sa inyo ang halimbawang ito upang tularan ito at gawin ang gayundin. Hindi nito kailanman sasayangin ang inyong oras. Kahit ang pag-eensayo ay hindi pagsasayang ng oras. Dapat mong ibadyet ang iyong oras, iyong lakas, at maging ang iyong paghinga. Kung gagawin mo ito, hindi mo makakaligtaan ang kahit na ano sa espiritwal na kinasasaklawan, sa espiritwal na kaharian. Makukuha mo ang dapat mong makuha.”
(Treasuring your Teenage Years for the Lord, Chapter 1, Section 1)
Ipinagtatagubilin ang mga Banal sa Salita ng Kanyang Biyaya
Napakahalaga ng salita ng Diyos sa panahong ito, hindi lamang para sa atin, bagkus gayundin para sa mga tao sa paligid natin, at sa ating vitual gatherings. Sa mga panahong ito, maaari tayong lahat (1) Ipaglaban ang pang-araw-araw nating bahagi kay Kristo sa pamamagitan ng pagpasok sa Salita sa isang naisaayos na paraan, (2) Ihain ang kayamanan ni Kristo mula sa Salita tungo sa mga tao sa paligid natin, (3) Ipaglaban ang ating buhay-ekklesia, sa pamamagitan ng hindi pagpapabaya sa ating mga pagpupulong, at (4) Tulad ni Abraham na ipinaglalaban si Lot, ipinaglalaban ang mahihina at nanlalamig na banal sa pamamagitan ng pagsasagawa ng organikong pagpapastol upang tustusan sila ng Salita na taglay natin.
Ipinagtatagubilin natin ang mga minamahal na banal at mga ekklesia sa Diyos at sa salita ng Kanyang biyaya, na nakapagtatayo sa atin at nakapagbibigay sa atin ng mana sa lahat ng yaong napabanal (Gawa 20:32). Hindi nawa masayang ang panahong ito ng community quarantine sa kaninuman sa atin. Lumabas tayong lahat mula sa panahon ng lockdown na ito na kumpleto, nasangkapang lubos tungo sa bawat gawang mabuti (2 Tim. 3:17) sa pamamagitan ng pagiging masigasig sa paghahabol at pagiging nabuuan ng salita ng Diyos.
(Isang salita ng salamuha mula sa mga kamanggagawa ng Pilipinas)