Halaw mula sa Ministeryo:
Ako’y naglagay ng mga bantay / sa iyong mga pader, O Herusalem; / Sila’y hindi tatahimik kailanman / Sa araw o sa gabi.—Isaias 62:6“Ang mga bantay na ito ay mga tao ng panalangin. Kailangan nilang magbantay nang walang tigil upang malaman kung may nangyayari ba at kung may nagaganap ay sisigaw sila. Ang isang tao ng panalangin ay dapat isang nagpapaalala sa Panginoon nang patuloy. Hindi ito gawain ng isang indibidwal o ng ilang tao; kailangan ang isang grupo ng tao upang manalangin sa ganitong paraan. “Sila’y hindi tatahimik kailanman sa araw at sa gabi.” Mga magkakasama ang mga ito na sama-samang nagbabantay, at sama-sama silang may natutuklasan, at sama-sama silang nananalangin nang walang patid sa Diyos. Ang kanilang panalangin ay hindi humihinto “hanggang sa maitatag Niya at gawing kapurihan ang Herusalem sa daigdig” (b. 7). Dapat tayong magtiyaga sa panalangin hanggang maitayo ang Katawan ni Kristo. Kailangan ng Diyos ang ating mga panalangin. Ninanais Niyang magkaroon tayo ng espiritu ng panalangin, ng atmospera ng panalangin, at ng susi sa panalangin. Mga kapatid, bumangon tayo at matuto tayong manalangin. Hanapin natin ang susi sa panalangin nang sa gayon ay matugunan natin ang pangangailangan ng Diyos ngayon.”
Watchman Nee, The Key to Prayer
I-download lahat
Maaari nang i-download ang lahat ng kabigatan na may kasamang mga halaw mula sa ministeryo.
Ang mga Kabigatan
Abril 29, 2020
Minamahal na mga banal,
Pinasasalamatan natin ang Panginoon sa Kanyang mayamang panustos sa mga ekklesia at sa mga banal sa Kanyang pagbabawi na nagbigay-kakayahan sa napakaraming kapatid na mamagitan bilang isang tao nitong nakaraang buwan. Wala pang nangyaring gayong pandaigdig, buong umaga’t buong gabing pananalangin sa kasaysayan ng Kanyang pagbabawi. Bagama’t nadarama naming tapusin na itong koordinadong pagpapagal sa Abril 30, umaasa kami sa Panginoon na hindi lamang ito magiging isang panahon ng panalangin bagkus pananatilihin Niya tayong lahat na magpatuloy sa pagsulong sa ating personal na buhay-panalangin at sa pansama-samang ministeryo ng panalangin ng ekklesia.
Naniniwala kami na ang bawat banal na nagpasan ng ganitong kabigatan ay nakatamo ng ilang pagkatanto sa pagtitiyagang kinakailangan para sa pamamagitang panalangin (Col. 4:2). Ito ay dahil sa may digmaang nagaganap sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang kaaway, si Satanas, sa di-nakikitang kinasasaklawan. Mangyari pa, ang layunin ng Diyos ay sukdulang maisasakatuparan, subalit kung gaano itong mangyayari kaagad at kung sino ang tila magwawagi sa labanan sa isang partikular na panahon ay nakadepende sa kung gaanong nakikipagtulungan sa Kanya ang bayan ng Diyos sa panalangin. Alam ito ni Satanas, kaya ginagawa niya ang lahat upang hadlangan ang ating panalangin. Sa katunayan, dahil ang tuloy-tuloy na agos ng kapanahunang ito ay laban sa ating panalangin, sinabi sa atin ni Kapatid Lee, “Ang pagtitiyaga sa panalangin ay tulad ng pagsasagwang salungat sa agos. Kung hindi ka magtitiyaga, matatangay ka pababa ng agos. Walang alinlangan, ang magtiyaga sa ganitong paraan, sa pagsagwan man o sa pananalangin, ay nangangailangan ng maraming enerhiya” (Life-study of Colossians, p. 580). Dahil dito, kailangan natin ang pagpapalakas ng Panginoon (Efe. 6:10).
Nagbigay si Kapatid Lee ng ilang praktikal na payo upang matulungan tayong magtiyaga sa panalangin. Una, inatasan niya tayong magkaroon ng lubusang pagtutuos sa Panginoon at gumawa pa nga ng panata sa Kanya hinggil sa ating buhay-panalangin. Ang gayong panata ay naghahayag ng ating aspirasyon na maging isang mapanalangining tao, samantalang kinikilalang kailangan natin ang Panginoon upang bigyang-kakayahan tayong maging tapat na tuparin ang ating panata. Ikalawa, kailangan nating magtabi ng isa o higit pang tiyak na oras araw-araw upang manalangin (Dan. 6:10). Dapat nating ituring na pinakamahalagang bagay ang panalangin at hindi hayaan ang anumang bagay na kamkamin ang mga oras na ito o putulin ang ating panalangin. Ikatlo, kailangan nating maging mapagsaalang-alang sa ating pagsasalita sa pang-araw-araw nating buhay, yamang pinawawalang-sigla ng mga pabayang pagsasalita ang ating nananalanging espiritu (Efe. 4:29-30; cf. 1 Tes. 5:19 at talababa). Ikaapat, kailangan nating gamitin ang ating espiritu, ensayuhin ang ating pagpapasya, pakalmahin ang ating kaisipan, at regulahan ang ating damdamin upang makapanalangin nang wasto (Efe. 6:18; 2 Tim. 1:7; 1 Ped. 4:7). Ikalima, tinuturuan tayo ng karanasan na ang manalangin nang may kasama ay nakatutulong sa ating mapaunlad pang higit ang ating tuloy-tuloy na pananalangin (sumangguni sa Life-study of Colossians, pp. 581-583, at Life-study of Ephesians, pp. 552-555, para sa higit pang detalye sa mga nakatutulong na pagsasagawang ito).
Ang mag-ensayong manalangin sa gayong paraan ay may napakalaking pakinabang. Sinasanhi tayo nitong maihalo sa Panginoon upang tayo ay maging pagpaparami Niya bilang isang tao ng panalangin (Mat. 14:23; Marc. 1:35; Luc. 5:16). Sinasanhi tayo nitong ituon ang ating kaisipan sa mga bagay na nasa itaas sa halip na sa mga makalupang bagay na may kaugnayan sa sarili nating mga interes (Col. 3:2). Binibigyang- kakayahan tayo nito na humugpong sa namamagitang ministeryo ng umakyat sa langit na Kristo para sa interes ng Diyos sa lupa (Roma 8:34; Heb. 7:25). Ang pamamagitang panalanging ito, na nasa loob ni Kristo at kasama si Kristo bilang insenso ay “hindi panalangin para sa ating mga sarili kundi panalangin para sa pagsasagawa ng dibinong administrasyon, para sa pamamahagi ng nagtutustos na biyaya ng Diyos, at para sa mga ekklesia at mga banal. Ang gayong panalangin ay isang mabangong insenso sa Diyos—isinasakatuparan nito ang Kanyang layunin, tinutupad ang Kanyang naisin, at nagbibigay-lugod sa Kanyang puso” (Exo. 30:7, talababa 1). Higit pa rito, sa paglapit natin sa trono ng biyaya sa pananalangin, tumatanggap tayo ng awa at nakasusumpong ng biyaya para sa napapanahong pangangailangan (Heb. 4:16). Ang ating panalangin ay magdadala ng pagpapala sa ating sarili, sa ating mga ekklesia, at sa ating mga bansa.
Kung ipinapalagay man nating nagtagumpay tayo o nabigo sa ating pananalangin sa lumipas na tatlumpung araw, kailangan pa nating magpatuloy at sumulong mula sa puntong ito. Masidhi naming hinihikayat ang lahat ng banal na kunin ang tatlumpung iminungkahing kabigatan sa panalangin sa unceasinglypray.org at ipanalangin muli ang mga ito sa buong buwan ng Mayo. Naniniwala kami na kung babalikan ninyong ipanalangin muli ang tatlumpung aytem na ito at ang mga kasama nitong bersikulo, matatanto ninyo na marami pa rin ang kinakailangan nating patuloy na ipanalangin nang namamagitan. Palakasin nawa ng Panginoon ang Kanyang pagbabawi at gawin tayong Kanyang bahay-panalanginan (Marc. 11:17). Purihin natin ang ating maawain at tapat na Mataas na Saserdote na mataas pa sa kalangitan (Heb. 2:17; 7:26) at nagdadala sa atin tungo sa kaisahan kasama Niya sa Kanyang makalangit na ministeryo ng pamamagitan (Sant. 5:17 at talababa).
Ang inyong mga kapatid sa loob ni Kristo,
Ang mga kamanggagawa sa pagbabawi ng Panginoon